ni Ador V. Saluta @Adore Me! | June 9, 2024
May intriga rin ang isa sa mga artista ng Batang Quiapo na si Diwata dahil nais niyang isumbong ang umano'y pangha-harass sa kanya ng ilang MMDA traffic enforcers.
Sabi ng “Street Food Sensation”, tanging ang kanyang paresan daw ang laging binabantayan ng mga enforcers. Ang iba niyang kakumpitensiya ay wala namang bantay.
Dahil pinupuntahan at binabantayan siya palagi ng mga enforcers, kinompronta at tinanong niya kung bakit parang ang puwesto lamang niya ang pinag-iinitan ng mga ito.
Napapansin daw niya na palaging sa kanyang puwesto sila nagmamasid at nagbabantay.
Nang hingan ng paliwanag ang mga traffic enforcers, anila’y du’n umano sila naka-assign kaya ru’n rin sila nakapuwesto.
Nakakatanggap umano sila ng mga reklamo na dahil sa pagdagsa ng mga kumakain sa kanyang paresan, maraming mga sasakyan, jeep at mga motorcycle, maging tri-bike ang nakaparada sa kanyang puwesto na nagiging dahilan ng traffic.
Bakit nga raw hindi ‘yung mga pagpa-park sa kanilang lugar ang kanilang sinisita?
Ayon naman kay Diwata, wala umano siyang problema sa pagpapatupad ng batas ngunit pakiusap niya sa mga enforcers, sana’y maging patas ang mga ito sa lahat ng mga nagtitinda na nakatalaga sa kanilang area at ‘di lamang ang kanyang paresan ang binabantayan.
MERCEDES, GUSTONG SAMPALIN NG FANS SA PAGIGING KABIT
Ilan sa mga inaabangang eksena sa Batang Quiapo ay ang pagiging “mang-aagaw ng asawa” ng actress na si Mercedes Cabral (bilang si Lena Cortez, isang pulis).
Mahusay na artista si Mercedes dahil nai-portray niya nang epektibo ang pang-aagaw ng atensiyon sa asawa ni Marites (played by Cherry Pie Picache) na si Rigor Dimagiba (John Estrada). Dahil sa kanyang role bilang “kabit”, kinaiinisan lalo si Lena dahil maraming nakikisimpatya kay Marites.
Dahil sa kanyang role, maraming natatanggap na hate comments si Mercedes. Nakakarating din sa kanya ang pamba-bash ng ilang netizens para sa makatotohanang pagganap niya bilang 'kabit'.
Sa isang panayam ng ABS-CBN News sa actress, tapat naman nitong inamin na nakatanggap siya ng mga hate comments dahil sa role niyang “kabit” sa Batang Quiapo.
Aniya, “May mga tao na pinepersonal na ako. Hindi na Lena ‘yung tawag sa 'kin kundi Mercedes Cabral na. So, ako na mismo ‘yung tinitira. But mostly, sa messages ito.”
May mga instances din umano na nakita siya nang personal na talagang galit na galit sa kanya ang mga tao.
“In person naman, ‘pag may mga nakaka-recognize sa 'kin, they say things like 'Gusto kitang sampalin kasi kuhang-kuha mo 'yung inis ko pero ang galing mo.' So, kapag nakakarinig ako ng mga ganu’ng bagay, that is a huge compliment for me,” ani Mercedes.
“Ibig sabihin, nagagawa ko nang maayos ‘yung trabaho ko. Nagagawa ko nang maayos ‘yung assigned character sa 'kin.” pahayag ng aktres.
Alam naman daw niya na minsan ay apektado siya sa mga bashers na may sinasabing negatibong komento laban sa kanya.
“As an actor, it’s your job to give life to a character in a story. At kailangan ‘yung mga characters na tulad ni Lena sa istorya. Sila kasi ang nagbibigay ng conflict sa story, eh. Although sometimes, naaapektuhan ako sa mga sinasabi ng tao, siyempre, tao lang din naman ako, iniisip ko na lang na ang importante, nagagawa ko nang maayos ang trabaho ko,” pahayag ng actress.
Comments