top of page
Search
BULGAR

Diwa at Custodio, bronze sa Bowling World C'ships

ni Eddie M. Paez, Jr. - @Sports | July 2, 2022



Isinabit sa leeg nina Stephen Diwa at Marc Custodio ang tansong medalya na kumislap na parang ginto para sa Philippine contingent nang magwakas ang International Bowling Federation (IBF) World Championships sa Helsingborg, Sweden.


Nakapasok ang tambalan ng bansa sa semifinals ng men's doubles kaya nakandaduhan ng Pilipinas ang bronze na nagsilbing tanging medalya ng bansa sa malupit na kompetisyon.


"Congratulations U21 Team Philippines!", "Way to go!", "Congrats!", "Keep the fire burning!", "Next time Gold!" ang ilan sa mga tipikal na mga pagbati na nakita sa social media.


Hindi pinalad ang mga manlalaro ng bansa na magkamedalya sa men's at women's singles, women's doubles, men's team, women's team at mixed team events.


Inumpisahan nina Diwa at Custodio ang paglalakbay sa Men's Doubles sa pamamagitan ng pag-iskor ng 2230 pinfalls sa Squad 1 kung saan sumampa sila sa pang-anim na puwesto. Nang pagsama-samahin ang resulta sa apat na squads, nakasama sa magic 16 ang Pilipinas kaya sumibad ito sa mas maigting na yugto.


Sa 2-pangkat na matchplay stage, isinama ang mga Pinoy sa Group B. Pitong matches ang dinaanan nila at anim na panalo ang kanilang nakulekta. Kabilang dito ang pagdaig nila sa Australia (224-203), Sweden (254-192), Finland (195-152), Puerto Rico (238-229) at Netherlands (249-206).


Isang triple tie (6-1) ang nasaksihan sa pagitan ng Sweden, Netherlands at Pilipinas sa Group B para sa dalawang upuan sa semis. Sa tiebŕeaker, nanguna ang Sweden at bumuntot ang Pilipinas. Sa final 4, kinapos sina Diwa at Custodio sa init ng South Korea (269-205). Sa host napunta ang gold habang nakuntento ang South Korea sa silver.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page