ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 22, 2024
Pumasa na sa Kamara ang Divorce Bill.
Ipinasa na ito sa Senado upang pag-usapan at pagtalunan ito hanggang sa tuluyan nang maipasa o maibasura ang panukalang batas. Pinakahuli at tila nag-iisa na lang bansang walang diborsyo ang Pilipinas. Halos lahat ng bansa ay meron nang batas ng diborsyo.
Isa sa pinakamataas ang mga kaso ng diborsyo ay ang Estados Unidos. Dahil sa usung-uso at karaniwan na sa naturang bansa ang ganito, hindi lang isa o dalawang beses na nagaganap sa buhay ng mga mag-asawa ang paghihiwalay at paghahanap ng bagong asawa. Sabi nga ng ilang mga nakakausap kong mga migranteng Pinoy sa Amerika, parang bumibili na lang ng sapatos ang pag-aasawa. Maaari mong gamitin o hindi ang sapatos at ito ay puwede mo nang palitan. Kadalasa’y nagagamit naman sandali pero mabilis na kasawaan ito. Walang problema sa kapalit, maraming bilihan ng sapatos.
“Ganyan na ba ang pag-aasawa, parang bumibili ka na lang ng sapatos?” tanong ko sa mga taga-Amerika. Ano ang matagal nang pantapat ng Simbahang Katolika sa diborsyo?
‘Annulment’ o ang proseso ng pagpapatunay na ‘walang kasal mula pa sa simula ng pagsasama ng dalawang nagpakasal.’ “Nullus ab initio!” Wala mula sa simula. Walang tunay na relasyon. Walang tapat na pagmamahal. Walang totoo at malayang pagpapasyang magpakasal. Walang taos na pagpapakilala ng sarili at mga mahahalagang dapat ipagtapat na inilihim sa isa’t isa. Dahil dito, walang naganap na tunay na pagsasama at pag-iisang dibdib, isip, kaluluwa at katawan.
Ganoon na lang kabigat at katagal ang pagkuha ng “declaration of nullity o annulment” sa Simbahang Katoliko. Kaya’t nakapagsalita na rin si Pope Francis sa mga abogado ng simbahan (Canon Lawyers), “’Wag ninyong pahirapan ang mga dumaraan sa proseso ng annulment.” Kung tutuusin, ang dahilan lamang ng pawang kahirapang kumuha ng annulment ay ang lubhang seryoso at banal na katangian o kalikasan ng sakramento ng matrimonyo. Tunay ngang hindi maihahambing sa pagbili ng sapatos ang pag-aasawa. Napakahalaga ang ugnayan ng lalaki at babaeng naghahangad na tumanggap ng sakramento ng matrimonyo sa simbahan.
Sagrado ang desisyon na magpakasal. Kung hindi seryoso at hindi totoo mula simula ang pag-iisang dibdib ng nagpasyang magpakasal, ayon sa simbahan, walang kasal na naganap dahil peke o hindi seryoso ang desisyon at mga kondisyon ng pagpapakasal. At kung hindi rin sila tunay na ikinasal, paano sila maghihiwalay?
Noong nakaraang halalan ng 2022, tumakbo ang UniTeam, ang pinagsanib-puwersa sa pulitika ng dalawang makapangyarihang pamilya ng mga Marcos at Duterte. Todo-ngiti at puri sa isa’t isa ang namahayag na “kasal” na sila at magsisikap na maglingkod nang tapat at totoo sa taumbayan. Alam ng lahat na pareho lang pagdating sa ambisyon ang dalawang pamilya.
Nakatikim na ng 21 taong kapangyarihan ang isang pamilya. Namamayagpag naman ang isang pamilya sa kanilang balwarte sa Mindanao at siyempre tumuntong din sa pinakamataas na poder sa bansa ng anim na taon. Parehong ambisyoso at uhaw sa kapangyarihan. Puwedeng ikasal sa pulitika ang ganitong mga pamilya. Pero sino na ang kanilang mamahalin na ngayong hiwalay na sila?
Palasak na ang kasabihang, “In politics there are no permanent friends, only permanent interests.” Tunay na permanenteng interes lang ang umiiral sa pulitika at walang totoo at permanenteng mga kaibigan.
At ito ang malinaw na koneksyon sa diborsyo at pulitika. Kung mababaw ang batayan ng pag-aasawa o ang pagsasanib-puwersa ng dalawang pamilyang pulitikal, kapwa hindi ito magtatagal.
Maging sa pag-aasawa o sa pulitika o sa anumang gawain, kung walang seryoso, totoo, tapat at malinis na intensyon, sa simula pa’y wala nang tunay na pagkakaisa kundi pagpapanggap at paggagamitan lamang.
Kung merong “trapong” pulitiko, meron ding “trapong pag-aasawa.” Ano ang solusyon para hindi magkaroon at dumami pa ang trapong pagsasamahan sa pulitika man o sa pag-aasawa? Malinaw na hindi bagong batas tulad ng diborsyo, kundi masinsinang paglilinis, pagsasaayos, pagpapatatag ng mga mag-aasawa upang makita, maisabuhay hanggang katapusan ang tunay at wagas na pagsasama.
Ganundin sa pulitika, hindi batas o pagbabago ng batas (ConCon) kundi ang paglilinis mismo ng napakarumi at napaka-plastik na ugnayan ng mga nagsasabing maglilingkod nang may katapatan at pagmamahal sa Inang Bayan.
תגובות