top of page
Search
BULGAR

‘Distance cheating’, sugpuin at huwag tularan!

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | April 08, 2021



Sa kabila ng patuloy na paglaganap ng “sagot-for-sale” sa ilalim ng distance learning, nais nating paalalahanan ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at ang mga paaralan na paigtingin at bilisan ang kanilang pag-iimbestiga at pagsugpo sa anumang uri ng distance cheating o pandaraya sa mga pagsusulit sa klase.


May ilang ulat na patuloy pa rin ang sagot-for-sale, ang iskema kung saan nagbabayad ang mga magulang ng ibang tao upang sagutan ang modules ng kanilang mga anak. Ayon sa mga ulat, may mga mag-aaral at mga magulang na nag-aalok mismo ng kanilang serbisyong sagutan o gawin ang requirements ng ibang mag-aaral sa halagang P150 hanggang P500. Kabilang sa mga requirements na ito ang mga modules, research papers, essays at kung minsan ay may video editing pa. Binabayaran ang mga naturang requirements sa pamamagitan ng online banking o virtual wallets.


Ayon sa mga ulat, ang mga nagpapagawa ng kanilang requirements ay kadalasang nagmumula sa junior high school, senior high school at kolehiyo. Ang mas nakadidismaya, minsan ay ginagamitan pa ito ng mga hashtags tulad ng #AcademicCommission, #AcademicWriting at #AcademicService.


Para sa mga mag-aaral na gumagawa ng mga academic requirements, ang kinikita raw nila ay ginagamit na pantustos sa mga pangangailangan sa pag-aaral. Para naman sa mga magulang na nag-aalok ng kanilang serbisyo, ang kanilang kinikita ay ginagamit na pantustos sa pang-araw araw nilang mga pangangailangan sa bahay.


Maliban sa pag-imbestiga sa mga insidenteng ito, nais bigyang-diin din ng inyong lingkod ang kahalagahan ng pagpapaigting sa kakayahan ng mga guro na masuri o matukoy ang anumang uri ng pandaraya pagdating sa academic requirements ng kanilang mga estudyante. Dapat maging prayoridad din ang investment sa mga “assessment technology” upang maiwasan ang pandaraya sa digital education.


Bukod sa kukulangin ang mga mag-aaral ng kaalaman at kahusayan kung papayagang magpatuloy ang ganitong gawain, ang siguradong panganib ay magdudulot ito ng kawalan ng integridad ng ating mga mag-aaral. Dekalidad na edukason ang nakasalalay dito.


Kung hindi natin wawakasan ang sagot-for-sale at iba pang anyo ng pandaraya sa distance learning, lalong hindi matututo ang mga bata. At kapag nalusutan nila ito sa unang pagkakataon, nakakalungkot ngunit malaking tyansa na uulit-ulitin na nila ang ganitong pandaraya.


Ang layunin natin sa pagpapatuloy ng edukasyon ay matiyak na ang ating mga kabataan ay hindi lamang natututo. Hinuhubog din natin sila para maging matapat, mahusay at mapagkakatiwalaan. Wakasan na natin ang sagot-for-sale sa lalong madaling panahon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page