top of page
Search
BULGAR

Diskarteng Pinoy, kailangan sa taas-presyo ng itlog!

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | July 18, 2022


Marami ang nag-react nang maibalitang tumaas na ang presyo ng itlog. Mula sa dating P7 kada piraso, sumipa na ang presyo nito sa P10 hanggang P15 kada piraso.


Habang ang kada tray na dating mabibili sa P150 hanggang P180, ilang tindahan at palengke na tulad sa Rizal ang nagbebenta nito ng P190 hanggang P200. May poultry owner pa nga sa Laguna ang nagsabing posibleng maging doble pa ang presyo ng kada tray ng itlog.


Katwiran nila, dahil ito sa tumaas na presyo ng patuka sa manok, dagdag pa ang mataas na presyo ng langis at transportasyon. Nagmahal din ang itlog dahil sa bird flu. Libu-libong manok ang kinatay na lang para hindi na lumaganap pa ang sakit.


Hay naku, itlog, ang dami pa namang pinaggamitan nito tapos tumaas pa ang presyo! Paano na lang ang mga gumagawa ng tinapay, nagbe-bake at iba't ibang pagkaing ginagamitan ng itlog. Lalo na tayo pang Pinoy, eh, napakahilig na ipang-almusal ang itlog. And'yan pa ang iba't ibang “log": tocilog, longsilog, hotsilog, etc.


Sa mahihirap nating friendship na takbuhan na pang-ulam ang itlog, ang puwedeng IMEEsolusyon ay bili na kayo ng sisiw, 'yung pang-backyard lang. Mag-alaga kayo sa inyong pamamahay o bakuran kapag meron kayong lugar.


Remember, kapag nangitlog 'yan, meron na kayong libreng pang-almusal. Oks lang kahit anong klaseng uri ng manok ang alagaaan n'yo, pero sabi nga ng mga taga-probinsya, mas okay ang native na mga manok kasi hindi na 'yan pinakakain ng patuka.


Ikalawa, bukod sa manok, puwede rin kayong mag-aalaga ng nangingitlog na mga bibe, pato o Sasso chicken. Sa Abra, Sasso ang pinararami nila sa isang farm doon dahil malaki at mabilis palakihin kumpara sa mga native na manok. Maganda ito sa mga bahay-bahay o bakuran natin.


Sa gitna ng krisis, para-paraan na muna tayo sa paghahanap ng mga alternatibo kapag ang produkto ay nagmamahal o tumataas ang presyo. Agree?

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page