ni Ryan Sison - @Boses | May 24, 2021
Kawalan ng kaalaman sa paggamit ng gadget at internet ang ilan sa hamon para sa ilan nating kababayan, kaya naman hirap silang magparehistro para sa pagpapabakuna kontra COVID-19. Ang ending, kinailangan pang pumunta sa barangay hall para magpatulong at magparehistro sa pagpapabakuna.
Gayundin, nananatiling hamon para sa mga lokal na pamahalaan ang mataas na vaccine hesitancy o pag-aalinlangan ng mga residente na magpabakuna kontra COVID-19, partikular sa mahihirap sa kanilang nasasakupan. Kaya naman bukod sa information campaign, pinaigting na rin ng ilang LGUs ang kanilang house-to-house vaccination campaign and registration.
Sa San Juan City, nagbabahay-bahay ang dalawang grupo sa dalawang barangay kada araw. Ang siste, may dalang gadget at pocket WiFi ang mga ito para na rin sa online education campaign sa pamamagitan ng social media at infographics. Sa higit 65,000 residente sa lungsod, 5,000 ang nagparehistro sa house-to-house at barangay assisted booking.
Naglunsad din ng manual registration sa mga barangay ang Marikina City upang makatulong sa indigent population kung saan umabot na sa 825 mahihirap ang nakapagparehistro sa barangay-assisted booking ng Marikina.
Samantala, sa Quezon City, tuloy ang barangay-assisted booking sa iba’t ibang priority groups sa lungsod. May isang kinatawan na kumo-contact at nagbibigay ng schedule sa indibidwal na babakunahan at may hiwalay na vaccination sites para sa mga sumailalim sa assisted booking.
Inatasan na rin ang barangay officials sa Maynila na tulungan ang senior citizens at persons with comorbidities sa pag-register para sa pagbabakuna.
Bukod sa pagtugon sa pandemya, talagang mas malaking pagsubok ang mahikayat ang taumbayan na magpabakuna.
Dagdag pa nga ang kakulangan ng kaalaman sa gadget at internet ng ilan nating kababayan, kaya talagang kakailanganin pa rin ang alalay ng lokal na pamahalaan.
Kung mas maraming mahihikayat magpabakuna, mas marami tayong kababayan na makaiiwas sa malalang epekto ng COVID-19.
Kaya naman, panawagan sa lokal at nasyonal na pamahalaan, ipagpatuloy lang ang ating pagsisikap upang makuha ang tiwala ng publiko sa bakuna dahil malaking hakbang ito upang maipanalo ang laban kontra pandemya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments