top of page
Search
BULGAR

Disiplina, ‘wag kalimutan saanman pumunta

ni Ryan Sison - @Boses | October 21, 2021



Bagama’t naninindigan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na hindi nila itinaon ang muling pagbubukas ng Dolomite beach sa Manila Bay noong weekend sa pagbaba ng Alert Level System sa Metro Manila, aminado ang kagawaran na hirap silang ipatupad ang health protocols dahil karamihan ng mga pumupunta sa naturang beach ay magkakamag-anak.


Giit ng DENR, matagal nang planado ang reopening ng Dolomite beach noong weekend dahil ilang bahagi nito ang tapos nang maayos.


Dahil sa patuloy na pagdagsa ng mga tao, magpapatupad ang kagawaran ng ilang protocols sa beach upang mapigilan ang mga tao, lalo na ang mga bata sa pagligo sa Manila Bay habang hindi pa rin ito ligtas na paliguan.


Samantala, nangangamba si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos na posibleng maging super spreader ng COVID-19 infection ang mga taong dumaragsa sa naturang beach. Dahil dito, umapela si Abalos sa mga pumupunta sa Dolomite beach na maging disiplinado at palaging isaisip ang health protocols.


Sabihin na nating hindi intensiyon na maisabay ito sa pagluwag, pero sana ay ikinonsidera natin ang pagdagsa ng mga tao.


Alam naman nating sabik ang ating mga kababayan na makapamasyal kaya kapag may nabalitaang nagbukas na pasyalan, kani-kanyang larga at bitbit pa ang mga bata.


Kaya habang nagpapatupad ng protocols upang matiyak na ligtas ang lahat, plis lang, sana ay magawa ito sa lahat ng oras. Kailangang makontrol ang galaw ng mga tao, lalo pa’t mas marami nang nakalalabas.


Huwag nating hintayin na bumalik sa dating sitwasyon bago tayo matauhan.


Isa pa, nauunawaan nating hindi naman intensiyon ng iba na lumabag, pero sana ay mas maunawaan nating hindi pa normal ang sitwasyon at kailangang pairalin ang disiplina kahit saan pumunta.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page