ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | March 9, 2023
Sa dinami-dami ng argumento kung bakit hindi dapat i-phaseout ang traditional jeepney, isa sa pinanghihinayangan ang disenyo bilang traditional jeepney kung saang bahagi ito ng pagkakakilanlan ng Maynila.
Marami sa ating kababayan ang hindi interesado sa modernisasyon dahil mas mahalaga sa kanila ang kinakalakihang disenyo ng jeepney kung saan tila nanghihinayang ang marami sa ating mga kababayan na hindi na muling makita sa lansangan ang tradisyunal na jeepney.
Halos ang tradisyunal na jeepney ang sumisimbolo sa maingay na lansangan ng Maynila dahil sa kakaiba nitong disensyo na bukod sa kargado ng iba’t ibang kulay ay santambak ang disenyo, kabilang na ang paglalagay ng mga drawing sa kabuuan ng jeepney.
Saglit nating isantabi ang pinagtatalunan at mga argumento kung bakit dapat nang palitan ang tradisyunal na jeepney upang kahit saglit ay bigyang-daan natin ang pagbabagong nais ipatupad ng pamahalaan.
Marami kasi ang nagagalit sa Public Utility Vehicles Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan dahil sa pag-aakalang ang modernong jeepney ay papalitan ng tila mini-bus na disenyo na nakikita natin sa mga lansangan.
Tila nagkulang sa pagpapakalat ng impormasyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa mga disenyong pagpipilian dahil bukod sa mukhang mini-bus na disenyo ay pinapayagan din ang iconic look ng jeepney.
Ibig sabihin, hindi balakid ang inaalok na modernisasyon ng pamahalaan para mawala ang dating disenyo ng tradisyunal na jeep dahil may mga bagong jeepney na pareho ang disenyo, ngunit binago lamang nang bahagya ang taas.
Ang mga ginanap na pagbabago sa disenyo ay hindi nagbago sa kabuuan, maliban sa tumaas ang bubong upang makatayo ang pasahero sa loob, may karagdagang handrail, aircon, pintuan sa magkabilang gilid at CCTV cameras para sa seguridad ng pasahero.
Katunayan ay naglabas na ng sample ang LTFRB para may pamarisan at ito ay hindi rin halos nabago ang disenyo ng tradisyunal na jeepney, ngunit ito ay pasado sa Philippine National Standards na itinakda ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ayon sa LTFRB, hindi naman nila layuning alisin ang tradisyunal na jeepney sa lansangan, maliban sa nais nilang i-upgrade ang kalidad ng tradisyunal na jeepney na hindi na akma sa kasalukuyang istilo ng pamumuhay ng ating mga kababayan.
Bukas naman umano ang LTFRB sa anumang suhestiyon, lalo na kung manggagaling kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na payagan pa sa lansangan ang mga tradisyunal na jeep na nasa maayos pang kondisyon para bumiyahe.
Ang iniaalok na modernong jeepney ay hindi naman imported dahil ito ay ginawa lamang sa ating bansa na kayang magsakay ng mas maraming pasahero kumpara sa tradisyunal na jeepney.
Sabagay, kung susuriin natin ang tradisyunal na jeepney, napakarami na rin naman ng dapat baguhin dahil walang sarado ang bintana ng tradisyunal na jeepney, nakasanayan na ng mga driver na gumamit ng hand signal o basta na lamang ikakaway ang kamay tapos bigla na lamang liliko.
Hindi man lahat, ngunit mataas na porsyento ng tradisyunal na jeep ay walang signal light, apat na bomba ang pag-apak sa preno bago huminto at ngayon ay sinadya pang medyo nakatuwad o pasubsob ang kaha para kapag nag-preno ay madaling magsiksikan papasok ang pasahero.
Marami pa sa mga tradisyunal na jeepney ay lumalagabog kung magpatugtog ng music na kung tawagin ay ‘patok’ at walang magawa ang mga pasahero, lalo na ‘yung mga senior citizen kung hindi ang magdusa sa ingay habang bumibiyahe.
Hindi natin pinag-uusapan ang kabuhayan dito ng mga operator at tsuper at ang kanilang ipinaglalaban dahil naiintindihan natin ang kanilang ipinaglalaban hinggil sa kanilang hanapbuhay na napipintong mawala dahil hindi umano nila kaya ang presyo ng iniaalok na modernisasyon.
Tinatalakay lang natin ang hitsura ng bagong jeepney na iniaalok ng LTFRB at ng tradisyunal na jeep upang magkaroon tayo ng pagkukumparahan kung bakit iginigiit ng pamahalaan ang modernisasyon.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Kommentare