top of page
Search
BULGAR

Disente, maayos na living facilities, ibigay sa mga guro

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | July 24, 2021



Ilang ulit na ba nating nasaksihan ang patotoo ng ilang public school teachers, lalo na sa malalayong lalawigan at lugar kung paano nilang sinasagupa ang panganib sa araw-araw, makapasok lang sa trabaho at makapagturo?


Sa napakaraming dokumentaryo na napanood na natin na nagpapakita sa tunay na sitwasyon ng public school teachers, ano pa ang puwede nating idagdag na tulong sa kanila liban sa mga umiiral na benepisyo sa ngayon?


Tuldukan na sana ‘yung nakikita nating teachers na tumatawid ng bundok sa kasukalan, halos malubog sa mapuputik na daan, nanganganib na malunod sa malalawak na ilog sakay ng mga lumang bangka, makapasok lang sa paaralan at makatupad sa kanilang tungkulin bilang teachers. Kung mayroon lamang silang libreng matitirhan sa mga lugar kung saan sila nagtuturo, hindi sana nila sasapitin ang ganitong paghihirap.


Kahit ang mga guro natin sa mga kalunsuran, hindi man nila nararanasan ang hirap na dinaranas ng mga teachers sa baryo at bundok, naroon pa rin ang panganib sa pang-araw-araw na pagko-commute dahil lantad sila sa banta ng COVID. Isa pa, kumakain din ng napakalaking oras nila ang maipit sa masikip na daloy ng trapiko.


Upang makatulong, isang panukalang-batas ang isinusulong natin ngayon sa Senado: ang Senate Bill 2317 o ang Teachers’ Home in School Act, na naglalayong magbigay ng maayos na pansamantalang tirahan sa mga guro. Maaaring ang mga ito ay nasa bisinidad ng paaralan kung saan sila nagtuturo, o kaya naman ay sa mismong lugar kung saan naroon ang kanilang pinapasukang eskuwelahan.


Sakop ng panukala nating ito ang public school teachers na nagtuturo sa malalayong lugar, gayundin ang teachers na naaabala dahil sa mahirap na pagbibiyahe sa araw-araw.


Inaatasan sa ilalim ng panukala ang Department of Education at ang Department of Public Works and Highways, na manguna sa konstruksyon ng living facilities na ito na popondohan ng DepEd.


Sakali mang mangailangan ng karagdagang pondo, maaari namang makuha ang additional funding sa Special Education Fund na nagmumula sa property tax collection ng local government kung saan itatayo ang living facilities.


Kahit sino sigurong guro na dumaranas ng matinding hirap makapasok lang sa trabaho, matutuwa sakaling magkaroon sila ng pansamantalang matutuluyan malapit sa paaralang kanilang pinagtuturuan.


Pagbibigay-galang ito sa kanilang propesyon na napakahalaga para sa ating mga anak.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page