@Buti na lang may SSS | September 18, 2022
Dear SSS,
Magandang araw SSS! Nais kong itanong kung paano makakuha ng SSS disability benefit ang mga miyembrong tulad ko? — Shaina
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Shaina!
Sa ilalim ng World Health Organization (WHO), ang kahulugan ng pagkabalda o disability ay tumutukoy sa “anumang kawalan o kakulangan (sanhi ng pinsala o impairment) ng kakayahang gampanan ang isang gawain sa paraang angkop sa isang indibidwal.” Ang depinisyong ito ay patuloy na sinusunod ng SSS. Subalit, nagpatupad ng pagbabago ang SSS sa paraan ng pagbibigay ng benepisyo sa pagkabalda sa mga miyembro upang mas mapabuti ang pagbibigay ng serbisyo habang isinasaalang-alang ang tamang benepisyo ay ibinabayad sa miyembrong nangangailangang tumanggap nito.
Ang benepisyo sa pagkabalda o disability benefit ay ibinabayad din sa isang miyembro na nawalan ng kakayahang magtrabaho o ang kanyang kakayahang kumita ay nabawasan dahil sa kanyang kapansanan na sanhi ng karamdaman o pagkapinsala. Isasailalim siya sa pagsusuri ng mga doktor ng SSS upang malaman kung ang kanyang pagkabalda ay kuwalipikadong mabigyan ng nasabing benepisyo.
Samantala, may dalawang uri ng pagkabalda:
1. Permanent Partial Disability. Maituturing na permanent partial disability ay ang pagkawala ng kakayahang gamitin o lubusang pagkawala ng alinman sa mga sumusunod na bahagi ng katawan:
isang hinlalaki ng kamay o paa;
isang hintuturo;
isang hinlalato;
isang palasingsingan;
isang hinliliit;
isang kamay;
isang braso;
isang paa;
isang binti;
isa o dalawang tainga;
pagkawala ng pandinig ng isa o dalawang tainga; at
pagkawala ng paningin o pagkatanggal ng isang mata.
Samantala, may iba pang mga uri ng pagkabalda na maaaring apruban o bayaran ng SSS bukod sa mga nabanggit.
Buwanang pensyon naman ang ibinabayad sa miyembro na may permanent partial disability kung siya ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon sa SSS bago ang semestre ng pagkabalda. Ang bilang ng buwan na tatanggap siya ng pensyon ay nakabatay sa resulta ng pagsusuri ng Medical Evaluation Section ng SSS.
Samantala, lump sum amount naman ang ibinabayad kung ikaw, Shaina ay hindi nakapaghulog ng 36 buwanang kontribusyon.
2. Permanent Total Disability. Itinuturing naman na permanent total disability ang mga sumusunod:
ganap na pagkabulag ng dalawang mata;
pagkaputol ng dalawang kamay o dalawang paa;
permanente at ganap na pagkaparalisa ng dalawang kamay o dalawang paa;
pagkapinsala ng utak na naging sanhi ng pagkasira ng isip; at
iba pang mga kaso na itinuturing ng SSS na lubusang pagkabalda.
Buwanang pensyon ang ibinabayad sa miyembro na may permanent total disability kung siya ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon sa SSS bago ang semestre ng kanyang pagkabalda. Ang benepisyong ito ay katumbas na rin ng SSS Retirement Benefit kung saan mas pabor sa mga miyembrong wala pang 60 taong gulang dahilan sa karagdagang P500 kada buwan na kanilang tinatanggap bilang supplemental allowance.
Pinapaalalahanin din natin ang mga miyembro at pensyonado na magkaroon ng kanilang bank account na kinakailangang i-enroll sa Disbursement Account Enrollment Module ng SSS para sa crediting ng kanilang mga benepisyo at loan privileges mula sa SSS.Kaugnay nito, kailangan din na may sarili kang My.SSS account, Shaina, na matatagpuan naman sa SSS website. Ito’y upang ganap na ma-iaccess ang iba’t-ibang online service facilities ng SSS lalo na sa pagpa-file ng iyong mga application para sa loans at benefit claims mo sa SSS.
***
Nais naming ipaalam sa aming mga pensyonado na maaari silang mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensyonado sa SSS hanggang Oktubre 31, 2022. Ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship.
***
Binuksan din ng SSS noong Agosto 15, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong Hulyo 27, 2022.
Ang CAP ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Abra at Mountain Province. Sa Abra, sakop ng programa ang mga bayan ng Bangued, Boliney, Bucay, Bucloc, Daguioman, Danglas, Dolores, Lacub, Lagangilang, Lagayan, Langiden, La Paz, Licuan, Luba, Malibcong, Manabo, Penarrubia, Pidigan, Pilar, Sallapadan, San Isidro, San Juan, San Quintin, Tayum, Tineg, Tubo, at Villaviciosa. Samantala, sa Mountain Province naman, kasama ang mga bayan ng Bauko at Besao.
Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Nobyembre 14, 2022.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
ความคิดเห็น