Direktor sa ahensiyang may kinalaman sa kalikasan...
- BULGAR
- Dec 8, 2020
- 2 min read
Malupit na protektor ng mining activities kaya tiba-tiba na sa delihensiya, pinangakuan pa ng mataas na posisyon!
ni Chit Luna - @Yari Ka! | December 8, 2020
Kabi-kabila kung sumahod ang isang opisyal mula sa mahalagang departamento ng gobyerno — mula sa tanggapan ng ahensiya kung saan siya’y ang amo hanggang sa mga kumpanyang kanyang pinoprotektahan.
Patunay nito ang kanyang pagbalewala sa memorandum na inilabas ng gobernador ng lalawigang lubhang nasalanta ng matinding pagbaha dulot ng mga bagyo nito lamang Nobyembre.
Sa nasabing memorandum na may petsang Nobyembre 26, pinatitigil ng gobernador ang lahat ng mining activities sa kanyang nasasakupan. Disyembre na subalit walang anumang ginagawang hakbang ang direktor.
Ang dahilan ng kanyang pagdedma sa direktiba — makasasama aniya sa infrastructure program ng gobyerno para sa Metro Manila ang tigil-operasyon sa pagmimina sa nasabing lalawigan na pinagmumulan ng malaking bahagi ng mga graba’t buhangin na gamit sa mga pagawaing bayan sa kabisera.
Dagdag pa niya, hindi pa siya nakatatanggap ng kopya ng nasabing pag-uutos.
‘Susmaryosep, hindi bahagi ng iyong trabaho ang mag-alala sa construction industry, at lalong wala kang pakialam sa usapin hinggil sa imprastruktura ng Metro Manila dahil ikaw ay namumuno sa panlalawigang tanggapan ng ahensiya na ang mandato ay protektahan ang integridad ng kalikasan, hindi ng mga lintek na sumisira sa kabundukan!
Ayon sa kasangga natin sa panulat, nakikinabang umano ang ating sa mga kumpanyang nag-o-operate sa naturang lalawigan. Kabilang sa mga kinukunan niya ng delihensiya ay ang mining companies na pag-aari ng kongresista at maging ang ilegal quarry sites na hawak naman ng alkalde ng bayang nasalanta.
Bukod sa regular na delihensiya ay nabahagian na rin pala siya ng shares sa ilang mining companies. Pinangakuan pang kukunin bilang miyembro ng board of directors sa sandaling ito’y magretiro.
Sa kabilang banda, tama siya na protektahan ang mga sumisira ng kabundukan dahil lubhang malaki ang kanyang ganansiya sa mga ito. Mapapa-OMG ka sa laki ng ganansiya ng kumag!
Comments