ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Jan. 4, 2025
Photo: The Rapists of Pepsi Paloma - VinCentiments / Teaser
“Baka mapahiya ang mga bashers ni Direk Da (Darryl Yap) kapag napanood nila ang pelikula,” ang mariing sabi sa amin ng ilang kaibigan ng kontrobersiyal na direktor tungkol sa pelikulang The Rapists of Pepsi Paloma (TROPP).
Nakakaloka ang kaliwa’t kanang pamba-bash kay Direk Darryl dahil sa ipinost nitong teaser ng pelikula ni Rhed Bustamante na gaganap bilang si Pepsi Paloma dahil nadawit ang pangalan ng isa sa Eat… Bulaga! (EB) hosts na si Vic Sotto.
Malalaking mga personalidad ang sangkot sa isyu, lalo na’t malapit na ang eleksiyon at hindi maiiwasang mapaisip ang mga netizens na itinaon ito ng direktor kaya nga nabanggit ang Jalosjos vs. Sotto kung saan pare-parehong nasa pulitika sina Bullet, Vico at Tito.
Si Ms. Lala Sotto-Antonio ang chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na anak ni ex-Senator Tito Sotto at pamangkin ni Vic, sa tingin ninyo, lulusot ito kung sakaling ‘foul’ ang kuwento ng pelikulang TROPP?
Kilala ng lahat si Direk Darryl na hindi nito papasukin ang labang hindi niya kayang ipanalo tulad ng paggawa ng TROPP. For sure, may twist ang kuwento kaya paulit-ulit niyang sinasabi, “Panoorin muna ang pelikula.”
Kaya sa mga bashers ni Direk Darryl, abangan sa Pebrero ang pelikula ni Rhed Bustamante bilang si Pepsi Paloma at saka kayo umawra-awra.
Anyway, ang litanya ng direktor sa kanyang Facebook (FB) account.
“Kung may troll farm lang ako, may back-up na TV network siguro mas maaabot ng pelikula ko ang mga tao.
“Bagama’t may 2 akong box-office hit na hindi matanggap ng mga haters— hindi ako mahihiyang sabihing malayo naman talaga ang marketing ng mga pelikula ko kung ikukumpara sa ibang productions, lalo na sa Star Cinema sa totoo lang, ‘yang marketing nila ang mahusay talaga samantalang ako ang meron lang ay ‘Kwento’.
“Ang #TROPP o THE RAPISTS OF #PEPSIPALOMA ay hindi po under VIVA Films, ‘di rin po ako nabigyan ng pera ng mga Jalosjos o Discaya o ng mga Aliens o kung anong elementong may galit sa mga Sotto.
“Gusto ko siyempre ng pera pero wala. Makakasira rin sa ipinaglalaban kung may halong pulitika, kahit babad ako roon—itong #TROPP2025 ay hindi para sa eleksyon. Sa grand presscon, masasagot lahat ng tanong at agam-agam, bagama’t nagpapasalamat ako sa mga opinyon, bash at suporta.
“Sa ngayon, hayaan n’yo muna naming matapos ang pelikula, para maipalabas sa February 2025.
“Matalino naman ang mga tao, alam nila ang hilatsa ng troll sa totoong tao at ang totoong tao ang may totoong suporta.”
Sa huling bahagi ng post ng direktor ay ibinunyag na plano rin siyang ipakulam.
“Salamat sa pangungumusta, pagpapaalala at pagpapakita ng suporta. Salamat din sa mga gusto akong kulamin, kung anu-anong sinasabi, nagmamagaling atbp. Ituloy n’yo lang ‘yan. Happy New Year,” sey ni Direk Darryl Yap.
Comments