ni Lolet Abania | May 26, 2022
Inanunsiyo ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Huwebes na si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno ang magiging chief ng Department of Finance (DOF) sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Sa isang press conference matapos ang kanyang proklamasyon, sinabi rin ni Marcos na papalitan ni Felipe Medalla bilang BSP governor si Diokno.
Naging BSP governor si Diokno noong Marso 2019, ang iniwang posisyon ni yumaong dating BSP Governor Nestor Espenilla Jr. na namatay dahil sa cancer. Dahil sa appointment niya bilang DOF secretary, umiksi ang termino ni Diokno bilang BSP governor na nakatakda sanang magtapos sa Hulyo 2023.
“It is an honor to serve the Filipino people in my current and any future capacity. I am grateful and humbled by the President-elect to help his administration manage the country’s fiscal affairs,” sabi ni Diokno sa isang statement.
“As Finance Secretary, I will strive to continue prudently and carefully balancing the need to support economic growth, on one hand, and to maintain fiscal discipline, on the other,” dagdag niya.
Bago pa ang pagtatalaga sa BSP sa ilalim ng Duterte administration, nagsilbi si Diokno sa kanyang ikalawang termino bilang secretary ng Department of Budget and Management (DBM). Unang nagsilbi si Diokno bilang DBM secretary sa ilalim ng Estrada administration, gayundin, naging DBM undersecretary mula 1986 hanggang 1991 sa ilalim ng yumaong dating Pangulong Corazon Aquino.
Samantala, si Medalla ay dati nang miyembro ng Monetary Board simula Hulyo 2011. Una siyang na-appoint dito ni yumaong dating Pangulong Benigno Aquino III, habang nagsilbi sa kanyang ikalawang termino sa Duterte administration noong Hulyo 2017.
Naglingkod din si Medalla bilang secretary ng Socio-Economic Planning at director-general ng National Economic and Development Authority (NEDA) mula 1998 hanggang 2001 sa administrasyon ni dating Pangulong Joseph Estrada. Wala pang tugon si Medalla hinggil sa kanyang appointment sa ngayon.
Comments