ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | July 14, 2024
Naputol ang matinding tagtuyot na nararanasan ng Pilipinas sa kasaysayan ng Southeast Asian Amateur Golf Team Championships nang dominahin nito ang event noong Biyernes sa Seletar Golf and Country Club ng Singapore.
Tinapos ng bansa ang ika-61 edisyon ng paligsahan sa pamamagitan ng iskor na 17-under-par 847 strokes upang ilampaso ang sumegundang Vietnam at tumerserang Thailand. Sampung palo ang naging agwat ng kampeon sa runner-up at 12 hataw naman kontra sa mga Thais.
Taong 2013 pa nang huling mangibabaw ang Pilipinas sa paligsahang kilala rin sa tawag na Putra Cup. Kasama noon sa koponan si Rico Hoey na ngayon ay kumakampanya na sa Professional Golf Association (PGA) Tour.
Naging angkla ng bansa sa pagsampa sa trono ang 22-taong-gulang na si Enrique Dimayuga na siya namang nanguna sa bakbakang pang-indibidwal kaya nairehistro ng Pilipinas ang maangas na twinkill. Isang eagle at pitong birdies sa unang 15 butas ng huling round ang pinakawalan ng Pinoy bago ito pinabagal ng tatlong magkakasunod na bogeys.
Nagtabla sina Dimayuga at Singaporean Ryan Ang pagkatapos ng apat na araw ng tagisan ng husay sa golf course. Bagamat kapwa sila may 277, napunta sa Pinoy ang korona dahil nakaungos ito sa countback.
Bahagi rin ng matagumpay na koponan ng bansa sina Carl Corpus, Shinichi Suzuki at Abe Rosal. Nagbabaga ang mga paghataw ng bola ng golf ni Dimayuga sa kasalukuyan.
Matatandaang ilang araw pa lang ang nakakalipas nang putulin din ng 20-taong parbuster ang pagkauhaw ng Pilipinas sa titulo sa makasaysayang Singapore Open Amateur Championships nang pangharian nito ang pang-76 edisyon ng paligsahan sa Orchid Country Club. Apat na strokes naman ang naging lamang niya sa pinakamalapit na karibal.
Comentários