ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 1, 2021
Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko at sa mga local government units (LGUs) sa mga pekeng Pfizer COVID-19 vaccine.
Pinaalalahanan ni DILG Secretary Eduardo Año ang lahat ng LGU officials na maging mapanuri matapos maglabas ng babala ang World Health Organization (WHO) na posibleng kalat na sa merkado ang pekeng Pfizer COVID-19 vaccine.
Ayon kay Año, dapat alamin ng mga local executives ang pinagmulan o pinanggalingan ng suplay ng bibilhing bakuna laban sa COVID-19. Dapat din umano na ang lahat ng medical products lalo na ang mga COVID-19 vaccines ay bilhin lamang sa mga awtorisado at lisensiyadong suppliers.
Saad pa ni Año, “While there is no information yet on the presence of the fake vaccines in the country, LGUs should exercise increased diligence as these fake vaccines may be dangerous to the health of those who get inoculated.”
Kamakailan ay naglabas ng global medical alert ang WHO na ang pekeng COVID-19 vaccine ay may product name na “BNT162b2” na nagkukunwaring gawa ng Pfizer BioNTech.
Ayon din sa WHO, unang napag-alaman ang naturang pekeng bakuna sa Mexico.
Comments