top of page

Digital cash sa mahihirap, para mas mabilis at safe

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 20
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Mar. 20, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa panahon ngayon, hindi na maikakaila ang importansya ng teknolohiya sa pagpapadali ng ating buhay. 


Mula sa simpleng komunikasyon hanggang sa mga transaksyon, nagiging susi ang digital platforms para sa mas mabilis at mas epektibong serbisyo. 


Kaya naman, isang hakbang ang ginawa ng gobyerno sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor upang gawing mas moderno ang sistema ng pagbibigay ng ayuda sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Kamakailan, sinimulan na ang pamamahagi ng smartphone sa 4Ps beneficiaries sa Navotas at Malabon, ito ay bahagi ng programang “e-Panalo ang kinabukasan,” kung saan layunin nitong turuan ang mga benepisyaryo na gamitin ang digital financial services upang mas mabilis at mas ligtas nilang matanggap ang kanilang cash grants. 


Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, malaking ginhawa ito para sa mga benepisyaryo dahil hindi na nila kailangang pumunta pa sa bangko para makuha lamang ang kanilang ayuda. 


Binigyang-diin naman ng kalihim na hindi gumastos ang gobyerno sa mga cellphone na ito dahil ang mga kumpanyang Globe at GCash mismo ang nagbigay ng donasyon. Aniya pa, may kabuuang 32,684 na benepisyaryo ng programa sa buong bansa ang tatanggap ng mga smartphone.


Bukod sa pamamahagi ng mga smartphone, tiniyak naman ng pamahalaan na may kasamang financial literacy training ang mga benepisyaryo. 


Batay sa Presidential Communication Office (PCO), maglulunsad sila ng mga aktibidad upang maturuan ang mga hindi pa pamilyar sa paggamit ng digital platforms. 


Isa itong positibong hakbang tungo sa epektibong sistema ng pamamahagi ng ayuda sa mahihirap. Sa tulong ng teknolohiya, hindi lang napapabilis ang proseso kundi naiiwasan din ang anumang abala at posibleng panganib sa pagpunta sa mga bangko. 


Kumbaga, ligtas at episyente na makukuha ng ating mga kababayan ang kanilang mga benepisyo.  


At kung magpapatuloy ang ganitong uri ng pamamaraan, tiyak na malaki ang maitutulong nito upang mas mapalawak ang accessibility ng digital financial services sa mga mamamayan, lalo na sa mga maralitang Pilipino.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page