ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | November 23, 2021
Dear Doc Erwin,
Isa akong college student at varsity athlete sa unibersidad sa Metro Manila at madalas lumahok sa mga kompetisyon sa track and field, tulad ng 100 meter sprint.
Dahil araw-araw ang aming ensayo sa track and field at sa weight training, inirekomenda ng aming coach na uminom kami ng protein supplement at dietary supplement na tinatawag na Creatine. Ano ba ito? Makatutulong ba ito sa akin bilang vegetarian at track and field athlete? – Chris A.
Sagot
Maraming salamat Chris sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.
Ang Creatine ay isang uri ng amino acid na pinagkukuhanan ng energy na giangamit ng ating katawan. Nangangailangan ang ating katawan ng mula 1 gram hanggang 3 grams ng Creatine araw-araw. Upang matugunan ang mga pangangailangang ito ay gumagawa ang ating katawan ng Creatine. Ang ating atay, kidneys at pancreas ang mga pangunahing pinanggagalingan ng Creatine na dinadala sa mga skeletal muscles kung saan ito ay inihahanda upang gamitin bilang energy. Ang ibang Creatine ay dinadala sa ating utak upang gamitin din bilang energy.
Makukuha rin ang Creatine sa ating mga kinakain, tulad ng mga karne, isda at iba pang sea food.
Dahil ang mga vegan o vegetarians na katulad mo ay hindi kumakain ng mga ito, maaaring mangailangan silang uminom ng Creatine bilang dietary supplement.
Bukod sa mga vegan o vegetarians, nangangailangan din ang mga atleta ng Creatine upang matugunan ang kanilang mataas na pangangailangan para sa energy. Dahil kadalasan ay kulang ang Creatine na nakukuha mula sa pagkain, umiinom ng Creatine dietary supplements ang maraming atleta.
Paano makatutulong ang Creatine dietary supplement sa atleta? Sa review article na Creatine Supplementation and Exercise Performance: A Brief Review na inilathala sa Journal of Sports Science and Medicine ay malaki ang maitutulong ng Creatine supplementation sa pagdadag ng lakas ng atleta at pagbilis ng sprint performance. Dagdag pa nito, lalong lumalakas, lumalaki ang katawan ng mga atleta (fat free mass) at gumaganda ang performance sa high intensity tasks ng mga atleta na umiinom ng Creatine supplements.
Sa pag-aaral na inilathala sa Journal of the International Society of Sports Nutrition, nakatulong ang Creatine supplement sa mga atleta sa high intensity sprints. Mas mabilis rin maka-adapt at maka-recover ang katawan ng mga atleta sa training kung ito ay umiinom ng Creatine supplement. Ayon din sa pag-aaral, makatutulong ang Creatine supplement sa indibidwal na may neurological problems.
Bilang dagdag-kaalaman, sa artikulo sa Medical News Today ay binaggit dito ang link ng creatine deficiency sa iba’t ibang sakit, tulad ng diabetes, depression, Parkinson’s disease, muscular dystrophy at osteoarthritis. Dahil dito ay maaaring makatulong ang Creatine supplementation sa indibidwal na may sakit na nabanggit. Nakatulong din ang Creatine supplement upang mag-improve ang cognitive performance ng matatanda.
Kaugnay ng pagtulong ng Creatine sa cognitive performance, pag-aaral na inilathala sa scientific journal na Nutrients noong February 2021 kung saan sinabi ng mga researchers na dumarami ang scientific evidence na nagsasabing makatutulong ang creatine supplementation sa ating brain health. Ganun din sa mga kondisyon kung saan mayroong kakulangan sa Creatine sa ating utak, tulad ng Alzheimer’s disease at depression.
Sana ay nasagot ng artikulong ito ang inyong mga katanungan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments