ni VA - @Sports | April 11, 2021
Umalis kahapon ng madaling araw mula Kuala Lumpur kung saan may ilang buwan na rin silang nakabase patungong Uzbekistan ang team ni weightlifter Hidilyn Diaz para sa gagawin nitong paglahok sa 2021 Asian Weightlifting Championships.
Ang pagsabak sa nasabing torneo sa Tashkent ang magsisilbing final step upang opisyal na maging qualified ang Pinay weightlifter sa darating na Tokyo Olympics. Pinili nina Diaz, ng kanyang Chinese Coach na si Kaiwan Gao at strength and conditioning coach na si Julius Naranjo ang magtungo sa kapitolyo ng Uzbekistan, isang linggo bago idaos ang kompetisyon upang makapagpahinga mula sa mahaba at nakakapagod na biyahe.
Umalis sila sa Kuala Lumpur ganap na alas- 2:00 ng umaga lulan ng United Emirates Airlines ay inaasahang darating ng Dubai makaraan ang pitong oras na paglalakbay sa himpapawid. At matapos ang 17 oras na layover kinakailangan nilang muling maglakbay ng tatlong oras patungong Tashkent. Ang nabanggit na continental championships na gaganapin sa Abril 15 - 25 ay isang qualifier para sa Tokyo Games at ang pang-anim at huling International Weightlifting Federation-sanctioned tournament na kailangang salihan ni Diaz para makalahok sa Olympics sa ikatlong sunod na pagkakataon.
Kinakailangan lamang ni Diaz na bumuhat doon at kahit hindi siya manalo ng medalya ay uusad siya sa Tokyo Olympics. “Ang Olympics ang pinaka- importanteng competition sa akin. Parang last tune up ko na ito bago 'yung Tokyo Olympics, " ayon sa 2016 Rio Olympics silver medalist sa women’s 53 kgs. Nakatakdang sumabak si Diaz sa 55 kgs category sa Tokyo.
Comments