top of page
Search
BULGAR

Diabetes at paano ito maiiwasan?

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | August 6, 2022




Dear Doc Erwin,


Ako ay 46 years old at sabi sa akin ng company physician ay slightly overweight. Nagbigay ng request for laboratory examinations ang aming doktor upang aniya'y ma-monitor ang aking blood sugar. May family history kami ng diabetes. Ang aking ina ay namatay dahil sa komplikasyon ng kanyang diabetes. May paraan ba na ako ay makaiwas sa diabetes? Ano ang prediabetes? Narinig ko ito na binanggit ng doktor. Ano ang kaibahan nito sa diabetes? - Zinia


Sagot


Maraming salamat Zinia sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Ang diabetes mellitus o “diabetes” sa madaling salita ay kondisyon, kung saan abnormal na tumataas ang glucose level ( o blood sugar) sa ating dugo. Maaari itong mangyari kung walang insulin o kulang ang insulin na pino-produce ng ating katawan o kaya ay hindi maayos na nagagamit ng ating katawan ang insulin. Ang unang kondisyon ay tinatawag na Diabetes mellitus Type 1 at ang pangalawang kondisyon ay Diabetes mellitus Type 2.


May iba pang uri ng diabetes, tulad ng gestational diabetes at latent autoimmune diabetes. Ang binanggit ng iyong doktor na “prediabetes” ay kondisyon, kung saan umpisa ng tumataas ang iyong blood sugar level. Kadalasa'y wala itong sintomas na mararamdaman at ang fasting blood sugar level ay nasa 100 hanggang 125 mg/dL. Kung hindi ito mapipigilan ay mauuwi ang prediabetes sa diabetes.


May risk factors sa prediabetes. Ang iyong pagiging overweight ay kondisyon na magpapataas ng posibilidad na ikaw ay magkaroon ng prediabetes.


Ang edad mo na higit sa 45 years old at ang pagkakaroon ng magulang na may diabetes ay mga risk factors din. Dahil sa mga nabanggit ay mataas ang posibilidad na ikaw ay magka-prediabetes at kalaunan ay magkaroon ng diabetes.


Maaari mo bang maiwasan ang prediabetes at ang diabetes? Maraming research studies sa Amerika, Finland at sa China na nagpapakita na ang diabetes at prediabetes ay mga “preventable diaseases” - Ito ay mga sakit na maaring maiiwasan.


Ayon sa pag-aaral na tinawag na Nurses’ Health Study kung saan pinag-aralan ng mga researchers ang 85,000 na mga babaeng nurses, mapapababa ang posibilidad na magkaroon ng sakit na prediabetes at diabetes.


Nakita sa resulta ng pag-aaral na ito na mga nurses na tama ang timbang (hindi overweight), may healthy diet, nag-e-exercise ng 30 minuto o higit pa kada araw, hindi naninigarilyo at umiinom ng alak na katamtaman lamang, ang indibidwal na mababa ang posibilidad (low risk) na magkasakit ng prediabetes at diabetes. Ganito rin ang naging resulta ng pag-aaral sa kalalakihan na tinawag na Health Professionals Follow-up Study.


Ang magandang katanungan ay maaari bang ma-reverse ang diabetes o prediabetes? Kung ang ibig sabihin ng reverse ay maitigil ang gamot sa diabetes matapos ng mga lifestyle changes (pagkontrol ng timbang, healthy diet at exercise), marami ng reports na na-reverse nila ang diabetes. Ito ay posible sa prediabetes, diabetes mellitus Type 2 at sa gestational diabetes.

 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page