ni Nitz Miralles @Bida | July 23, 2024
Matutuldukan na siguro ang tsikang may tampuhan sina Bea Alonzo at Alden Richards dahil may interaction sila sa GMA Gala 2024 na ikinatuwa ng kanilang mga fans.
Napanood ang video ng pagbaba ni Bea sa stage pagkatapos rumampa at isa sa mga sumalubong sa kanya para alalayan siyang bumaba ay si Alden.
Kung not in good terms ang dalawa, hindi aalalayan ni Alden si Bea at hindi rin ibibigay ng una ang kamay niya para maalalayan ng aktor.
Bukod kay Alden, may cameraman na umalalay din kay Bea at puwede naman sanang dito na lang siya nagpaalalay.
Anyway, sa GMA Gala 2024, may video na lumapit si Bea sa mga bosses ng ABS-CBN at isa-isa niyang hinalikan at may konting kumustahan pa. Natuwa ang mga fans ng aktres na malamang friends at maayos pa rin ang relasyon niya sa mga dati niyang bosses.
Ang mga fans lang talaga ang hindi pa makapag-move on sa pag-alis ni Bea sa ABS-CBN para lumipat sa GMA Network.
May pabirong comment nga kung nag-congratulate raw ba sina Ms. Cory Vidanes kay Bea sa success ng Widows’ War? Maganda ang rating at maganda rin ang feedback ng mga viewers sa murder mystery drama ng GMA-7 at siguro raw, alam ito ng ABS-CBN.
May rason naman pala si Jennylyn Mercado kung bakit hindi nakadalo sa GMA Gala 2024 at sa report ni Vinia Vivar, may trangkaso ang anak nitong si Jazz at naglambing na ‘wag umalis ang mom niya. Sinunod ni Jennylyn ang request ng anak, kaya si Dennis Trillo na lang ang dumalo sa event.
Nag-react ang mga fans sa post ni Jennylyn na nasa bahay lang siya, nanonood ng Netflix at kumakain ng Cheetos. Nagtsi-chill lang daw pala ang aktres, hindi pa dumalo sa event.
Ang hindi nabanggit ni Jennylyn ay may sakit si Jazz at ngayong nalaman na ng mga fans ang rason, hindi na siguro maba-bash ang aktres.
Sa kanyang Instagram (IG), may post si Jennylyn suot ang isang black gown at tanong ng mga fans, kung ang gown ba na ‘yun ang dapat isinuot niya sa GMA Gala 2024? Hindi pa nito sinasagot ang tanong.
Samantala, nakataas na ang billboard ni Jennylyn as the newest endorser of Beautederm. Dalawang billboards ang nakataas at ang isa ay kasama niya si Rhea Anicoche-Tan, ang CEO at president ng Beautederm Corporation.
Ipinost din ng Beautederm ang naganap na photo shoot nina Jennylyn at Ms. Rei at makikitang nag-enjoy ang dalawa.
Sa billboard, nakalagay ang Cristaux na ine-endorse ni Jennylyn, pero sabi ni Ms. Rei, buong skin products ng Beautederm, si Jennylyn na ang endorser.
Ginaya si Gary V...
ICE, PINAGKAMALANG PATAY NA
GINAYA ni Ice Seguerra si Gary Valenciano sa mala-obituary card poster to promote his concert. This time, ang mga friends at fans naman ni Ice ang kinabahan nang makita ang black and white poster niya, announcing and promoting his concert.
Kinabahan at may nag-request kay Ice na palitan ang poster ng kanyang Videoke Hits: OPM Edition concert na naka-schedule sa September 13, 2024.
Nakasulat din sa poster ang “The Ultimate Videoke Birthday Concert Experience” na tiyak, hindi palalampasin ng mga fans ni Ice.
Reading the comments, mukhang si Paolo Valenciano lang ang natawa sa poster ni Ice at nag-comment ng “HAHAHAHAHA @garyvalenciano trendsetter!!!”. The rest, kinabahan, natakot, may muntik nang mapaso ng kape, mayroon ding na-stress.
Ang iba, talagang sinabihan si Ice Seguerra na akala nila, pumanaw na ito at nahimasmasan lang nang mabasa nang buo ang poster.
Sa Music Museum ang concert at available na ngayon ang tickets.
TANONG ng mga fans kay Herlene Budol, nag-thank you na raw ba siya kay Barbie Forteza?
Si Barbie kasi ang mabilis na tumakbo para tulungang makatayo si Herlene nang madapa habang rumarampa sa stage sa GMA Gala 2024.
Kita sa video na habang busy si Barbie sa kaka-pose, biglang nadapa at nahulog sa stage si Herlene.
Ang bilis ng kilos ni Barbie, agad tumakbo na hindi naisip na naka-gown din siya at high heels ang suot. Mabuti at naisip pa nitong itaas ang kanyang gown bago tumakbo para tulungan si Herlene.
Nakita rin sa video na may iba pang Sparkle artists na lumapit kay Herlene at may nag-offer pa ng suot na blazer.
In fairness kay Herlene, mabilis na tumayo at itinuloy ang pagrampa kahit magulo ang buhok at naka-paa siya. Hindi na nito isinuot ang sapatos at maayos siyang nakapaglakad.
Comentários