top of page
Search
BULGAR

‘Di rehistradong yosi at vape, ipagbawal sa Shopee at Lazada

ni Chit Luna @Brand Zone | January 26, 2023



ISANG grupo ng mga konsyumer sa Pilipinas ang nanawagan sa Shopee at Lazada na tanggalin ang mga hindi rehistrado o aprubadong sigarilyo, vapes at heated tobacco products na hayagang ibinebenta sa kanilang online platforms.


Sa magkaibang liham na ipinadala sa Shopee Philippines at Lazada Philippines, nanawagan ang National Consumers Union of the Philippines Inc. (NCUP) na aksyunan ng dalawang online platforms ang hinaing sa malawakang pagbebenta ng mga ‘di awtorisadong e-cigarettes at heated tobacco.



Ayon sa NCUP, mahalagang aksyunan ng Shopee at Lazada ang kanilang hinaing upang protektahan ang mga konsyumer laban sa mga substandard na produkto at upang makalikom ang gobyerno ng tamang buwis mula sa tabako at mga alternatibong produkto.


Sinabi ni NCUP President Antonio P. Israel na dumami ang pagbebenta ng illicit nicotine products sa mga online platforms simula ng pandemya, at ito ay nakapagdulot ng hindi maganda sa mga consumers na naghahanap ng mas mainam na alternatibo sa sigarilyo.


“Ang mga nagtitinda, nag-i-import at nagdi-distribute ng heated tobacco at vapor products ay dapat sumunod sa batas at mga alituntunin ng gobyerno upang maiwasan ang hindi magandang dulot ng illicit products at upang makalikom ng tamang buwis para sa gobyerno,” ani Israel.


Ang mga illicit at ‘di rehistradong produkto ay hindi dumaan sa pagsusuri ng awtoridad, kaya maaaring makasama sa mga consumers dahil sa pagiging substandard.


Sinabi pa niya na ang Shopee at Lazada ay may mahalagang papel upang mapigilan ang

paglaganap ng mga hindi aprubadong produkto.


Ipinadala din ng NCUP ang kopya ng liham kina Rep. Joey Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means; Finance Secretary Benjamin Diokno; Trade Secretary Alfredo Pascual; Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos, Jr.; Bureau of Internal Revenue Commissioner Romeo Lumagui, Jr.; at Bureau of Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz.


Ang NCUP ay isang nonprofit national advocacy organization na naniniwala sa karapatan ng mga konsyumer ng tobacco at mga alternatibong produkto na maproteksyunan laban sa mga substandard at hindi rehistradong produkto.


Ito ay nagsusulong sa konsepto ng tobacco harm reduction bilang mabisang public health policy, na suportado rin ng Republic Act No. 11900 o Vape Law.


Ang Vape Law ay naglalatag ng tamang regulasyon at sumusunod sa international standards upang protektahan ang mga mamamayan at maiwasan ang paglaganap ng mga substandard vapor products at heated tobacco products.


Naglabas kamakailan ang BIR ng Revenue Memorandum Circular No. 79-2022 na may listahan ng rehistradong importers at manufacturers, kasama ng kanilang mga awtorisadong produkto sa Pilipinas.


Ayon sa RMC No. 79-2022, anumang produkto na hindi kasama sa listahan at walang BIR tax stamp ay hindi maaaring ibenta sa merkado.


Sinabi rin ni Israel na may malinaw na probisyon ang batas sa tamang pagbebenta o distribution ng vaporized nicotine and non-nicotine products sa Internet websites o e-commerce platforms.


Ang lahat ng online merchants ay dapat ding rehistrado sa DTI o sa Securities and Exchange Commission.


Ang mga awtorisadong produkto ay naglalaman din ng health warnings, BIR tax stamp, at floor price, ayon kay Israel.


Nauna rito, nanawagan si Rep. Salceda sa DTI na habulin ang mga nagbebenta ng mga ‘di rehistradong imported vaping products na umano’y idineklarang toys o electronics upang makapasok sa Pilipinas.


Hindi rin payag si Israel sa panukalang itaas ang buwis sa vape products, na aniya’y lalong magpapalala sa black market at makakapigil sa mga smokers na maghanap ng mas mainam na alternatibo sa sigarilyo.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page