ni Chit Luna @Brand Zone | March 16, 2023
Nanawagan ang dalawang grupo ng mga konsyumer sa Lazada, isang online marketplace, na tanggalin sa listahan nito ang mga hindi rehistradong vapes na maaaring makasama sa mga mamimili.
Ayon sa Philippine E-Cigarette Industry Association (PECIA) at Nicotine Consumers Union of the Philippines (NCUP), labag sa batas ang pagbebenta ng mga substandard at hindi rehistradong vapes at heated tobacco products sa anumang tindahan, kabilang ang mga e-commerce sites.
Inengganyo ng PECIA at NCUP ang Lazada na gayahin ang Shopee sa pagtigil ng pagbebenta ng illicit vape products na hindi kabilang sa listahan ng Bureau of Philippine Standards (BPS), isang ahensiya sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ipinaliwanag ni PECIA president Joey Dulay na may katungkulan ang Lazada bilang isa sa mga pinakatinatangkilik na online store sa bansa na proteksyunan ang mga konsyumer laban sa mga mabababang kalidad at hindi rehistradong produkto.
Aniya, ang DTI mismo ang kumausap sa mga e-commerce sites tulad ng Lazada na sumunod sa Vape Law kabilang ang implementing rules and regulations nito at sa Joint Administrative Order No. 22-11.
Nauna nang sinunod ng Shopee ang utos ng DTI na alisin ang mahigit isang milyong hindi rehistradong vape products sa online store nito. Sabi ni Dulay, dapat ding sundin ng Lazada ang nasabing batas.
Sa ilalim ng Republic Act 11900 o Vape Law na naging batas noong July 25, 2022, nagpataw ng tamang regulasyon ang Kongreso sa paggawa, pagbebenta at paggamit ng mga vapor products, refills, vapor product devices, heated tobacco products, HTP consumables at devices at novel tobacco products.
Ipinagbawal naman ng IRR ng nasabing batas ang pagbebenta ng mga hindi rehistradong produkto sa anumang tindahan, maging tradisyunal o sa internet.
Ang lahat ng mga produktong ito ay dapat maaprubahan at mapatunayang ligtas ng BPS at malagyan ng karampatang graphic at textual health warnings bago maibenta sa merkado sa Hunyo 2024.
Samantala, ang JAO 22-01 ay nagbigay ng panuntunan at pananagutan sa mga e-commerce sites at online businesses sa pagbebenta ng mga pekeng produkto.
Nauna rito, pinuri ng NCUP ang Shopee sa mabilis na pagkilos nito laban sa mga hindi rehistradong vape products at pinayuhan ang Lazada na tanggalin na rin sa listahan ang mga substandard items.
Sa liham na ipinadala ni NCUP president Anton Israel, may malaking tungkulin aniya ang Lazada sa pagtigil ng paggamit ng mga illicit vape products sa bansa.
Ang DTI mismo sa pamamagitan ng Consumer Protection Group ang kumausap sa mga e-commerce platforms noong unang araw ng Marso na pigilan ang paglaganap ng mga hindi aprubadong vape products na ina-advertise at ibinebenta sa mga online stores.
Dumalo sa pagpupulong na ipinatawag ng DTI ang mga kinatawan mula sa Lazada, Shopee, Facebook, Grab Express, Carousell at iba pang online merchants.
Isang araw matapos ang dayalogo, ibinalita ng Shoppe na tinanggal nito ang mahigit isang milyong vape products sa listahan nito. Nangako rin ang Shopee na pagtitibayin ang pagmamatyag sa mga postings tungkol sa illicit vape products.
Ang PECIA ay ang pinakamalaking grupo sa industriya ng e-cigarettes sa Pilipinas na mayroong mahigit 200 institusyon kabilang na ang mga tindahan, supplier at manufacturers. Binubuo rin ito ng 8,000 vapers na kumakatawan sa mahigit isang milyong mamimili ng smoke-free products sa Pilipinas.
Samantala, ang NCUP ay isang non-profit national advocacy organization na nagsusulong sa karapatan at interest ng milyun-milyong konsyumer sa Pilipinas at naniniwalang dapat silang maproteksyunan sa mga substandard at hindi rehistradong nicotine products at mga alternatibo.
Comments