ni Lolet Abania | April 24, 2021
Hindi umano inabisuhan ng aktres na si Angel Locsin ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa pagsasagawa nito ng community pantry na naging dahilan umano ng pagkamatay ng isang lolo.
Sa isang pahayag kay QC Mayor Joy Belmonte, binanggit nitong maaaring naiwasan ang insidente kung nagsabi lamang ang aktres tungkol sa gagawing community pantry.
Labis na ikinalungkot ng alkalde ang nangyari kasabay ng paalala nito sa lahat ng pantry organizers na dapat makipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal para matulungan at maserbisyuhan sila nang maayos.
Gayunman, ayon kay Belmonte, patuloy pa rin ang suporta ng lungsod sa mga itinatayong community pantries subali't dapat na makiisa sa mga hakbang at may koordinasyon sa barangay at LGU ang lahat ng organizers nito para hindi na maulit pa ang insidente.
Matatandaang namatay ang isang senior citizen na si Rolando dela Cruz. Hinimatay ito habang nakapila sa community pantry ni Locsin sa Holy Spirit Drive sa Bgy. Holy Spirit, Quezon City at kalaunan ay idineklarang dead-on-arrival sa ospital.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang aktres sa pamilya ng 67-anyos na balut vendor. Sinabi ni Locsin na habambuhay siyang hihingi ng kapatawaran sa naiwang pamilya ni Mang Rolando. Nakahanda namang tulungan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang pamilya ng biktima.
Ipinahayag ni Belmonte na sasagutin nila ang mga gagastusin sa burol habang magbibigay ng tulong-pinansiyal sa pamilya nito.
Comentários