top of page
Search
BULGAR

'Di raw dahil sa showbiz... ANDREA, UMAMIN NA KUNG PAANO NAKABILI NG DREAM HOUSE

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | May 24, 2021




Sino’ng mag-aakala na dahil sa mga posts ni Andrea Brillantes sa social media ay naipagawa niya ang Mediterranean house na matagal na niyang pangarap para sa kanyang pamilya?


Sa ginanap na virtual mediacon para sa bagong digital anthology series ng ABS-CBN na Click, Like, Share ay inamin ng batang aktres na hindi sapat ang mga kinita niya sa teleserye para makumpleto ang bahay nila ngayon.


“There were times na wala akong teleserye kaya nagsipag akong mag-post, stay relevant. Nagsipag ako sa TikTok, sa Musically para makakuha ng maraming raket. At sobrang nakatulong sa ‘kin ‘yun.


“Dahil sa social media na ‘yan, natupad ko ‘yung makabili ng bahay. Hindi talaga siya actually sa teleserye, kasi napupunta ‘yun lahat sa money na pangkabuhayan, so social media talaga helped me,” pagtatapat ni Blythe (tunay na pangalan ng aktres).


Pero may pros and cons din ang paggamit ng social media dahil dito siya unang na-bully.


“At a very young age, ang dami nang nagsasabing may mali sa ‘kin. ‘Yung kilay ko, ‘yung height ko, kahit sobrang bata pa ‘ko, pinagsasabihan na 'ko sa weight ko,” sambit nito.


At natanong din siya tungkol sa ‘cancel culture’ ng Gen Z kapag gusto nilang ipaboykot o hindi suportahan ang isang artista na minsang may pagkakamali.


Edad 12 daw si Andrea nang maranasan ito.


“Bago pa nagawa ‘yung ‘cancelled’, naranasan ko na siya ilang beses at a very young age. Wala pa akong 13 yata, naranasan ko na parang kinalaban ako ng buong mundo. Feeling ko talaga, wala akong kakampi.”


At dahil breadwinner si Andrea, tinatagan niya ang sarili.


Aniya pa, “Talagang hindi ko siya pakakawalan. ‘Di ko puwedeng pabayaan ang pamilya ko kasi gusto kong maranasan nila ang buhay na gusto nila. Kasi ‘di po ako ipinanganak na mayaman, at gusto ko pong maranasan ko ‘yun kasama ang pamilya. Diyos lang dapat ang nakakapag-judge sa ‘yo. At alam ko si Lord ay tatanggapin ako. Kaya kahit i-cancel ako ng buong mundo, nandiyan Siya. Kasi alam kong tutulungan Niya ako sa lahat ng bagay.”


Anyway, inaabangan na ng milyones na supporters ng Gold Squad ang Click, Like, Share nina Andrea, Francine Diaz, Kyle Echarri at Seth Fedelin at ang premiere episode nito sa Hunyo 5, Hunyo 12, Hunyo 19, at Hunyo 26 at 6 PM sa KTX.ph, iWantTFC, at TFC IPTV.


Magiging available rin ito ngayong taon sa Upstream.


Makakasama rin sa Click, Like, Share ang The Squad Plus members na sina Danica Ontengco at Renshi de Guzman, pati na sina Jimuel Pacquiao at Nio Tria sa kanilang acting debut.


Ang Click, Like, Share ay sa direksiyon ni Emmanuel Palo, handog ng iWantTFC at ABS-CBN Entertainment at Dreamscape Entertainment.

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page