ni Melba R. Llanera @Insider | June 15, 2024
Dedma si Dominic Roque sa naging pahayag ni Bea Alonzo na hindi siya ang nakipag-break sa ex-boyfriend gaya ng naging espekulasyon ng maraming tao. Marami kasi ang nag-isip na ang Kapuso actress ang tumapos sa apat na taon nilang relasyon lalo’t nabalita nang maraming beses na gumagawa ng paraan si Dom para ayusin ang relasyon nilang dalawa.
Lumabas pa nga noon na naghihintay sa sasakyan si Dom sa labas ng bahay nina Bea para sa pagdating nito.
Naisulat din namin noon sa column namin dito sa BULGAR kung paano pinanindigan ng aktor si Bea sa kabila ng pag-amin ng lola nito na may agam-agam siya sa aktres kung paano ito bubuo ng pamilya, gayung ang priority nito ay ang kanyang career.
Sa mga Instagram posts din ni Dominic ay tila natanggap na rin nito ang kinahantungan ng relasyon nila ni Bea, kung saan ine-enjoy nito ang oras kasama ang mga kaibigan at pamilya.
Sa parte naman ni Bea ay pokus ito sa kanyang pamilya at sa kanyang career. Inamin nito na nasa moving on stage pa lang siya at masakit sa kanya ang pinagdaanan niyang breakup.
Hindi pa rin klaro kung ano ba talaga ang cause ng breakup ng dalawa, kung totoo ba ang sinasabing nagpa-background check ang aktres sa buhay ng ex-boyfriend at kung anu-ano pang mga isyu. Kung magkaayos man o hindi sina Bea at Dom sa hinaharap at makahanap na ng kani-kanyang pag-ibig, tanging panahon na lang ang makakapagsabi lalo’t wala sa kanila ang may hawak kung ano ang mangyayari sa darating na panahon.
ISA lang si Congw. Lani Mercado sa 109 kongresist na nag-no sa House Bill 9349 (An Act Reinstituting Absolute Divorce as an Alternative Mode for the Dissolution of Marriage) or Divorce Bill. May 131 kongresista namang bumoto para ipasa ang bill, habang 20 ang nag-abstain.
Paliwanag ng actress-politician, naniniwala siya na panghabambuhay ang kasal at isinasabuhay naman ito ni Lani kung ang pagbabasehan ay kung paano nito ipinaglaban ang matibay at buong pamilya nila ng asawang si Sen. Bong Revilla.
Sa panayam nga namin noon kay Sen. Bong, inamin nito na bilib siya sa pagmamahal at tatag ng asawa dahil sa kabila ng anumang pagsubok at mga isyu na kanyang pinagdaanan ay ‘di ito bumitaw sa kanya.
Ayon pa nga kay Sen. Bong ay ‘di madaling maging asawa ang katulad niya at sinasaluduhan niya ang kakaibang tapang ni Lani at kung mahina-hinang klase ng babae ang napangasawa niya, malamang ay sumuko na.
Biro nga sa amin noon ng actor/politician, hindi lang medalya ang ipagkakaloob niya sa asawa, kung hindi korona rin.
‘Di rin naman itinago ni Lani sa mga interviews niya na ‘di biru-birong luha at sakripisyo ang ibinigay niya manatili lang na buo ang kanilang pagsasama.
Nagtagumpay naman si Lani dahil sa binitawang salita sa amin ni Sen. Bong na hinding-hindi niya iiwan ang asawa at pipiliin pa rin ito para makasama habambuhay.
PINIPILAHAN sa takilya ang mga foreign movies gaya ng Inside Out 2 at How To Make Millions Before Grandma Dies pero taliwas ito sa mga pelikulang Pilipino, na mula nu’ng nakaraang Metro Manila Film Festival 2023 ay hindi na pinilahan at kumita.
Nakakalungkot na makita na walang nanonood at ilang araw pa lang ay pinu-pullout na sa mga sinehan ang mga Filipino films.
Ang nakakabahala rito ay baka matakot na namang mag-produce ang mga local film producers at madalang pa sa patak ng ulan ang mga pelikulang ipalabas.
Ang nakakapagtaka lang ay kumikita ang mga foreign movies gayung ang mga Filipino films ay nilalangaw sa takilya. Nangangahulugan lang ito na kahit mahal ang tiket sa sinehan gaya ng inirereklamo ng karamihan ay papanoorin pa rin ito basta nagustuhan nila o nabalitaang maganda.
Isa kami sa mga humihiling na sana ay manumbalik ang sigla ng mga pelikulang Filipino dahil nangangahulugan ito ng trabaho sa mga taga-film industry at naniniwala kami na marami naman tayong magaganda at de-kalidad na mga pelikula pero hindi lang nabibigyan ng chance para mapanood at pag-usapan lalo’t napakalaking tulong ang word of mouth sa mga manonood.
Comentarios