ni Justine Daguno - @Life and Style | June 27, 2020
Isa ka ba sa mga nagplano o minsa’y napaisip magsimula ng negosyo, pero sa ilang kadahilanan, hanggang ngayon ay hindi mo pa rin ito nasisimulan?
Habang tumatagal ang pandemic, marami sa atin ang humaharap sa iba’t ibang pagbabago o adjustments. Paniguradong marami rin sa atin ang nagkakaroon ng realization o napapaisip ng mga bagay-bagay, tulad ng pagnenegosyo na talaga nga namang kailangan natin sa kasalukuyang sitwasyon.
Well, kung minsan na itong sumagi sa isipan mo at hindi lamang matuluy-tuloy, narito ang ilang dahilan kung bakit nga ba kailangan na nating simulan ang pagnenegosyo ngayon:
1. HINDI SAPAT ANG KITA. Bukod sa trabaho natin ngayon, mahalagang meron pa tayong ibang source of income. Aminin man natin o hindi, sa dami ng mga pinagkakagastusan sa araw-araw, hindi sapat na tuwing kinsenas-katapusan lang tayo nagkakapera. Kung minsan, kahit anong gawin nating pagtitipid o pagkukuripot, kung kapos talaga ang kita, mahirap pa rin ang asenso. Upang matustusan ang lahat ng pangangailangan, ang better solution ay ang paghahanap ng iba pang pagkakakitaan — ang pagnenegosyo.
2. KAILANGANG MASUBUKAN ANG IYONG ENTREPRENEURIAL SKILLS. Hindi lahat ng tao ay may natural na talent sa business, pero lahat ay may potensiyal. Bukod sa motibasyon, dapat ay meron din tayong determinasyon upang magawa ito nang maayos. Kailangan lamang na huwag matakot magsimula sa pagnenegosyo, ituring na lamang natin itong challenge. Challenge na hindi lamang susubok sa ating kakayahan kundi tutulong din sa atin upang umasenso tayo.
3. HINDI HABAMBUHAY ANG PAGTATRABAHO. Lahat ay nagre-retire sa trabaho at maaaring dalawa hanggang tatlong dekada mula ngayon ay mangyayari ito sa atin. Kapag natigil sa pagtatrabaho ang tao, hihinto na rin ang earnings nito. Pero ang problema, mawalan man tayo ng kita ay hindi matatapos ang paggastos dahil habang nabubuhay ang tao, patuloy ang pangangailangan nito. Kaya habang malakas at may sapat pa tayong kakayahan ay simulan na natin ang pagnenegosyo upang mapag-ipunan ang ating pagtanda.
4. PARA MAGING CREATIVE AT MOTIVATED SA BUHAY. Kung sisimulan natin ang pagnenegosyo ngayon, paniguradong mas magiging makabuluhan ang ating buhay. ‘Ika nga nila, hindi kailangang malaki agad ang business, simulan ito sa mga bagay na gusto mong ginagawa upang hindi tayo ma-pressure o ma-motivate tayo. Halimbawa, kung matagal mo nang trip ang pagbe-bake o pagluluto, paglikha ng mga arts at iba pa, bakit hindi simulan sa mga ito? Paganahin lamang natin ang ating creativity at pag-isipang mabuti ang negosyo na swak sa ating personality.
5. PRAKTIKAL ITONG GAWIN NGAYON. Kung kabilang tayo sa mga nawalan ng kabuhayan o nahinto sa pagtatrabaho dahil sa pandemya, ang pagsisimula ng business ang pinakapraktikal na magagawa natin. Nawalan man tayo kita, pero patuloy ang pagdating ng mga bayarin, kaya upang matustusan ang mga ito, kailangan na talaga nating magnegosyo.
Sa totoo lang, marami nang nagnenegosyo ngayon, pero hindi ibig sabihin nito ay hindi na tayo puwedeng sumabay. Kung iisipin, sa palengke ay magkakatabi ang mga tindahan na nagbebenta ng magkakaparehong paninda, pero lahat sila ay kumikita.
Kung wala namang puhunan, muli ay gamitin ang creativity o magsimula muna sa pagre-resell. Tandaan, kailangan nating mag-focus sa paraan, hindi sa mga dahilan.
Gets mo?
Comentários