ni Julie Bonifacio @Winner | Jan. 18, 2025
Photo: Philip at Small Laude - Instagram
Umabot na sa korte ang isyu sa pagitan ng mister ng kilalang content creator sa YouTube (YT) na si Small Laude na si Philip Laude at ng sinasabing ‘other woman’ nitong si Precious Larra Su.
Last month ay pumutok ang balita ukol sa babaeng iniuugnay ng mga netizens kay Philip na nagngangalang Precious Larra, base na rin sa mga screenshots ng convo na kumalat sa socmed.
Hindi pala pinalampas ng kampo ni Philip ang mga kumalat sa socmed. At kahapon ay nabalitang nag-file si Philip ng petition for writ of habeas data laban kay Mae Larra Sumicad, tunay na pangalan daw ni Precious Larra Su.
Sinilip namin ang Instagram ng misis ni Philip na si Small. May mga comments ang mga netizens na nakapansin sa distansiya ni Small kay Philip.
May ilang family pictures kasi nila ang naka-post na hindi nakatabi si Small kay Philip which is unusual sa katamisan ng kanilang relasyon na makikita sa mga vlogs ng kilalang YouTuber.
Pero may isang comment sa latest IG post ni Small ang nakakaintriga.
Comment sa post, “How about your husband’s other kids in Fame Mandaluyong… he has some chinito toddlers there?”
Hala! True kaya ito?
Small Laude, nauna pang isama…
ARNELL, INISNAB, WALA PA RING STAR SA WALK OF FAME
Speaking of Small Laude, mabuti pa siya ay may star na sa Walk of Fame sa Eastwood sa Libis, Quezon City. Isinama ang name ni Small sa Walk of Fame last year.
Samantalang ang veteran and multi-awarded host and comedian, at ngayon ay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator na si Arnell Ignacio ay ‘di pa rin nabibigyan ng sarili niyang star sa Walk of Fame.
Almost all of his shows like Chibugan Na!, Kwarta o Kahon, GoBingo, Katok Mga Misis, and K! ay pawang top-rater nu’ng time nila sa television. Bukod dito, he’s also an actor, singer and songwriter.
Hindi puwedeng isnabin ang matagumpay at makulay na karera ni Arnell sa entertainment industry sa loob ng mahigit na apat na dekada.
Nagtataka kami kung bakit tila naisnab si Arnell ng pamunuan ng Walk of Fame.
Nu’ng nabubuhay pa si Master Showman German Moreno, ginaganap ang bonggang event ng Walk of Fame sa buwan ng Disyembre.
Hanggang sa pumanaw na si Kuya Germs at nag-iba na ang nagha-handle ng Walk of Fame kaya minsan, January, February and March of the following year na nagkakaroon ng pa-event para sa mga bagong celebs na bibigyan ng star sa Walk of Fame.
Dati, mismong si Kuya Germs lang ang nagde-decide kung sinu-sino ang bibigyan ng star sa Walk of Fame. But from 2016 up to now, ang kanyang anak na si Federico Moreno ang umupong presidente and general manager. At nagkaroon na rin ng proseso sa pagpili ng personalities.
Ang German Moreno Walk of Fame Foundation's Selection Committee na ang namimili para sa anim na kategorya - Film, Television, News and Public Affairs, Radio, Music and Theater. At idinagdag na rin ang Social Media bilang 7th category noong 2020.
Sana naman this year ay huwag malampasan ng komite sa pangunguna ni Federico na mabusisi ang achievement na nagawa ni Arnell bilang showbiz personality and as a public servant being a government official na malaki na ang naitulong para sa kapakanan ng ating mga “Bagong Bayani”, ang mga OFWs, for the past couple of years.
Comments