ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | Pebrero 23, 2024
Madalas kong sabihin na ang gutom at uhaw ay kaya pang tiisin, ngunit ang kawalan ng katarungan ay napakahirap dalhin, lalo na ng mga taong naapi at napiit sa bilangguan na wala namang kasalanan.
Gayundin, ang mga nabilanggo na hindi nagkaroon ng maayos na paglatag ng ebidensya laban sa kanila. Sa katunayan, mayroong mga pagkakataon na ating naririnig at nasasambit ang kawalan ng hustisya sa ating bansa, lalo na para sa mga inakusahan.
Ngunit ang kuwento na aming ibabahagi ngayon ay hango sa kasong People vs. Rosales and Pillado (CA-G.R. CR-H.C. No. 16293, September 18, 2023, na isinulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Zenaida T. Galapate-Laguilles), ay patunay na ang hustisya ay hindi nahihimlay. Gising ang ating hukuman at pinakikinggan ang bawat pakikipaglaban patungo sa pagkamit ng katarungan.Sina Nene at Emily ay naakusahan sa pagbebenta ng methamphetamine hydrochloride o shabu na isang uri ng ipinagbabawal na gamot, dahilan upang sila ay maharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act (R.A.) No. 9165, na naamyendahan ng Republic Act (R.A.) No. 10640.Batay sa mga isinumite ng tagausig, ang dalawa ay naaresto bunsod ng buy-bust operation na naganap noong Ika-8 ng Enero 2020. Noong araw na iyon ay nakatanggap ng tip mula sa isang impormante ang himpilan ng pulis sa Lungsod ng Quezon. Naghahanap umano si Nene nang mapagbebentahan ng mga ipinagbabawal na gamot. Nang makumpirma ang nasabing tip at makapag-areglo ang impormante at si Nene sa oras at lugar ng bentahan ay agad na nakipag-ugnayan ang nasabing himpilan sa Philippine Drug Enforcement Agency at naghanda para sa ikinasang operasyon. Si PCpl. Bulawan ang tumayong poseur buyer at si PCpl.
Bangayan ang naatasan bilang backup. Alas-5 ng hapon noong araw na iyon ay magkasama na nakipagtagpo si PCpl. Bulawan at ang impormante kay Nene. Matapos na maibigay umano ni Nene kay PCpl. Bulawan ang isang pakete na naglalaman ng pinaghihinalaang ipinagbabawal na gamot at naibigay naman nito kay Nene ang markadong salapi, siyang dating naman diumano ni Emily na kumuha rin ng isang pakete mula kay Nene. Matapos maibigay ang napagkasunduang hudyat, agad umanong inaresto sina Nene at Emily.“Not guilty” ang pagsamo nina Nene at Emily sa hukuman. Ang ilan sa mga naitakda sa pre-trial conference ng kanilang kaso ay si Police Major Bacani, isang kuwalipikadong Forensic Chemist, ang personal na nakatanggap mula kay PCpl. Bulawan ng Request for Laboratory Examination, kalakip ang mga ebidensya na susuriin, isinagawa umano agad ni PM Bacani ang pagsusuri at lumabas na positibo ang mga ito na methamphetamine hydrochloride na nagsumite. Sa naturang pagsusuri at ang mga specimen ay kanyang na-turnover sa evidence custodian na si PO1 Tuccad; at na wala umanong personal na kabatiran si PM Bacani ukol sa naging pag-aresto kina Nene at Emily, gayundin sa pinanggalingan ng mga ebidensya na natanggap niya para suriin.Pinabulaanan naman ni Nene na sila ay naaresto bunsod ng buy-bust operation. Ayon sa kanya, alas-10 ng umaga noong Enero 8, 2020 ay kasama niyang kumakain ang pamilya niya sa loob ng kanilang bahay nang dumating ang mga opisyal ng barangay at inutusan silang lumabas ng bahay. Hindi niya umano kilala ang mga ito sapagkat bago pa lamang siya sa naturang lugar. Laking gulat na lamang umano niya nang maghalughog ang mga ito sa kanyang bahay na tumagal hanggang alas-5 ng hapon. Matapos ay dumating diumano ang mga pulis, dinala siya sa isang eskinita at pilit ipinatuturo ang pinagkukunan ng ipinagbabawal na gamot, ngunit wala umano siyang maisagot. Nang makabalik sila sa kanyang bahay, nakita na lamang umano niyang mayroon na roong isang mesa na may nakapatong na mga gamit.
Naroon na rin umano ang ilan pang mga pulis at isang babae na hindi niya kilala. Nang may dumating na media, nagsimula na umano ang mga pulis na kumuha ng litrato at pinapirma umano sila sa isang dokumento. Pagdating naman barangay kagawad ay pinamwestra umano sila ng pagturo sa mga gamit na sa mesa habang sila ay kinukuhanan ng litrato.Iginiit ni Nene na malaking kasinungalingan ang ibinintang sa kanya. Bagaman siya ay nakagamit na ng ipinagbabawal na gamot, matagal na umano mula nang huli niya itong ginawa. Ang kanya umanong manugang ang nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.Iginiit naman ni Emily na walang katotohanan na siya ay nahulihan na mayroong ipinagbabawal na gamot. Alas-4 ng hapong iyon ay nasa bahay lamang umano siya nang sabihin sa kanya ng kanyang anak na mayroong nahuli ang mga pulis dahil sa hindi legal na pagsusugal. Lumabas umano siya ng bahay dahil baka ang asawa niya ang nahuli, nang bigla na lamang umano mayroong humawak sa kanya at dinala siya sa isang eskinita. Ilang saglit ay dumating na umano ang mga pulis na kasama si Nene, ngunit hindi niya umano alam kung saan ito naaresto.Dagdag pa ni Emily, nakita na lamang niya umano ang mga ipinagbabawal na gamot na hawak na ng mga pulis bago dumating ang media. Makalipas ang ilang saglit, pinasakay umano sila sa sasakyan at dinala sa himpilan ng pulis.Hinatulan ng Regional Trial Court si Nene ng pagkakakulong para sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot at pinagbabayad ng fine. 12 to 20 years na pagkakakulong naman ang ibinabang hatol sa kanila. Sa paniwalang sila ay naagrabyado, umapela sina Nene at Emily sa Court of Appeals (CA).
Matapos ang mabusisi at muling pag-aaral sa kaso, kinatigan ng CA ang dalawang nasasakdal. Batay sa kanilang desisyon, hindi umano sumunod ang mga umarestong pulis sa alituntuning nakasaad sa Section 21, Article II ng R.A. No. 9165, as amended by R.A. No. 10640, partikular na ang pagsaksi ng isang nahalal na pampublikong opisyal at kinatawan ng National Prosecution Service (NPS) o media sa pag-iimbentaryo ng nakalap na ebidensya na agad umanong dapat maganap matapos ang pag-aresto sa mga suspek at pagkuha ng mga ebidensya mula sa kanila. Napuna ng appellate court na wala ang mga naturang saksi noong maaresto sina Nene at Emily. Katunayan, lumipas pa ang 20 minutes bago makarating ang opisyal ng barangay at kinatawan ng media upang saksihan ang pag-iimbentaryo. Binigyang-diin ng CA, sa panulat ni Honorable Associate Justice Zenaida T. Galapate-Laguilles ng 13th Division:
“The fact that only the police officers were present during the accused’s apprehension is enough to raise concern. In such an environment, police impunity becomes inherent. To state the obvious, assuming arguendo that there was indeed evidence planted, it would be virtually impossible for the accused to overcome the oft-favored testimony of police officers through mere denial. This is further aggravated by the known fact that entrapment procedures are inevitably shrouded with secrecy and cunningness to ensure the success of the operation.”
Naging kapuna-puna rin sa CA na may naging puwang sa chain of custody ng mga nakalap na ebidensya. Hindi umano itinakda, at hindi rin umano napatunayan ng tagausig na masusing naitago at napreserba ang mga nakalap na ebidensya laban sa mga nasasakdal. Maliban sa mga nabanggit, hindi rin umano nakapagbigay ang tagausig ng makatwirang dahilan sa mga naging pagkukulang ng mga umarestong pulis sa pagsunod sa hinihingi ng batas. Ayon sa CA, ang buy-bust operation ay planadong pagkilos na kung saan mayroong sapat na panahon ang mga pulis upang maghanda at alam din nila ang mga tuntuning dapat sundin. Ang mga naging pagkukulang sa isinagawang pag-aresto sa mga nasasakdal at ang kawalan ng sapat na dahilan sa likod ng mga pagkukulang na iyon ay nagdulot ng pag-aalinlangan at pagdududa sa hukuman hindi lamang sa integridad ng mga ebidensyang isinumite laban sa mga nasasakdal kundi pati na rin sa mismong pagkakasala ng mga ito. Kung kaya’t ang naging pasya ng CA ay ang igawad ang pagpapawalang-sala kina Nene at Emily.Sa kasong ito ay ating nasaksihan na sa hukuman, hindi lamang daing ng mga biktima ang napapakinggan, kundi pati na rin ang daing ng mga naakusahan. Patunay din ito na ang gulong ng hustisya ay hindi titigil at ang batas ay ipapatupad nang walang pagpigil upang ang bawat kamalian ay masupil, maging sa panig man ng akusado o ng mga pulis na umaresto. Ang patas na hustisya ay karapatan ng bawat tao, nasasakdal man ito o hindi. Parehas silang pangangalagaan ng batas.
Kommentare