ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | August 21, 2021
Nakalulungkot ang mga pangyayari sa Afghanistan. Ang magagawa na lamang siguro natin sa ngayon ay ipagdasal ang kanilang mamamayan at ang kanilang bansa. At alam naman natin, kahit saang panig ng mundo, mayroong Pinoy, at kabilang sila sa mga naapektuhan.
Marami sa mga kababayan nating ililikas mula sa Afghanistan ay posibleng nangangamba sa kanilang pagbabalik-bansa dahil sa kawalan ng kasiguruhang trabaho. Maaari pa ngang sila lang ang natatanging breadwinner ng pamilya na ngayon ay nababahala sa maaari nilang sapitin dahil sa pangyayaring ito.
Dahil ang layunin ng gobyerno ay mailigtas sa tiyak na kapahamakan ang mga kababayan natin sa Afghanistan, dapat siguruhin din nila sa mga OFWs na may matatanggap silang benepisyo at ayuda sa sandaling magbalik bansa sila.
Base sa nilalaman ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Act of 2016, may maaasahang tulong ang mga OFWs na magbabalik-bansa matapos silang mawalan ng hanapbuhay sa ibayong-dagat. At sakali mang may isa sa kanila ang masawi o kaya’y lubhang masugatan bago i-repatriate, tatanggap sila ng tulong-pinansiyal hanggang P200, 000.
May nakalaan ding training at seminars para sa kanila para mas madali silang makahanap ng panibagong trabaho sa bansa. Liban d’yan, may probisyon sa naturang batas na nagsasabing maaaring mangutang ang mga repatriated OFWs sa Land Bank at sa Development Bank of the Philippines na babayaran nila sa mababang interes lamang.
Ang dependents at benepisaryo ng mga nagbalik-bansang OFW ay nakatakda ring bigyan ng educational assistance.
May kaukulan ding airport assistance para sa kanila, at pansamantalang matitirhan sa OWWA halfway house bago bumiyahe pauwi sa kani-kanilang bayan. Bibigyan din sila ng kaukulang panggastos para sa kanilang pagbibiyahe.
◘◘◘
Magagawan pa ng paraan para matanggap pa ng healthcare workers ang kanilang special risk allowance o SRA. Base ‘yan sa pagkumpirma mismo ng Department of Budget and Management kahit pa naibalik na sa national treasury ang P9.02B para rito.
At gusto lang nating bigyang-diin din — kahit nag-expire na ang Bayanihan 2 Law noong June 30, malinaw sa batas na magpapatuloy ang pagbibigay ng SRA sa healthcare workers hangga’t umiiral ang national emergency at hangga’t hindi binabaklas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang deklarasyon niyang ito. Sa panahong ito na ang mga heath workers ang sandigan natin, huwag naman natin silang pagkaitan ng tulong. Hindi sila napapagod magserbisyo, huwag naman natin silang pagdamutan.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comentarios