ni Lolet Abania | June 17, 2021
Kinakailangan pa rin ang pagsusuot ng face shield sa ibabaw ng face mask sa gitna ng patuloy na laban sa pandemya ng COVID-19, ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles ngayong Huwebes.
Ito ang naging tugon ni Nograles matapos ang pahayag ni Department of Health (DOH) Undersecretary Leopoldo Vega kahapon, hinggil sa hindi na kailangang isuot ang face shield sa ibabaw ng face mask kung nasa labas. “We will run this through the IATF meeting later,” ani Nograles sa interview sa CNN Philippines.
Ang Inter-Agency Task Force (IATF) ay nagsisilbing policy-making body ng gobyerno sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
“Face shields are still required,” diin ni Nograles.
Sinabi naman ni Senate President Vicente Sotto III na pumayag si Pangulong Rodrigo Duterte na ang face shields ay dapat na lamang gamitin sa mga ospital.
“Last night, the President agreed that face shields should only be used in hospitals. Allowed us to remove ours! Attn DOH!” ani Sotto sa Twitter ngayon ding Huwebes.
Gayunman, wala pang kumpirmasyon ang Malacañang tungkol sa pahayag ni Sotto.
Nauna rito, si Presidential Spokesperson Harry Roque, na nagsisilbing tagapagsalita para sa IATF ay nananatili sa kanyang pahayag na ang pagsusuot ng face shield sa ibabaw ng face mask ay nakapagdaragdag ng proteksiyon laban sa COVID-19.
Ang naging pahayag ni Vega ang nag-udyok din kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire para banggitin ang Joint Memorandum Circular 2021-0001, kung saan nakasaad sa memo na “face shields are required to be worn in enclosed public spaces, schools, workplaces, commercial establishments, public transport and terminals, and places of worship.”
Subalit sa pareho ring memo, nakasaad na ang face shields ay kailangang isuot sa “other public spaces wherein 1 meter physical distancing is not possible and there is gathering of more than 10 people at the same venue at the same time” tulad ng sitwasyon sa mga palengke.
Samantala, ipinahayag ni DOH Secretary Francisco Duque III na iaapela niya kay Pangulong Duterte ang naging desisyon umano nito na i-require na lamang ang paggamit ng face shields sa mga ospital.
Giit ni Duque, hindi pa napapanahon para balewalain ang paggamit ng face shields sa dahilang ang pagbabakuna ng gobyerno ng COVID-19 vaccine sa mga mamamayan ay nananatiling mababa.
“Any layer of protection is better than less protection,” ani Duque.
Kinumpirma naman nina Senators Joel Villanueva at Juan Miguel Zubiri ang naging pag-uusap nina Pangulong Duterte at Sotto nitong Miyerkules ng gabi, subalit ito anila ay isa lamang “off the cut” at hindi opisyal na talakayan.
Comments