ni Mharose Almirañez | August 21, 2022
“Go sexy! Go sexy! Go sexy, sexy, Love!” Basketball cheer ni Kathryn Bernardo kay Daniel Padilla sa isang eksena sa pelikula.
Napakasarap nga namang ma-in love, lalo na kung suportado n’yong mag-partner ang isa’t isa. ‘Yun bang, ikaw ang No. 1 supporter niya, habang siya naman ang top fan sa sarili n’yong fandom. Maliban sa moral support, anu-ano pa nga bang suporta ang puwede mong ibigay sa iyong karelasyon? Well, beshie, narito ang ilan:
1. ORAS. Hindi excuse ang salitang “busy” sa mga taong nagmamahalan, sapagkat gagawa’t gagawa sila ng paraan para makapaglaan ng oras sa kanilang karelasyon. Halimbawa, kapag pakiramdam mong feeling tired siya ay ikaw na ang mag-adjust ng schedule mo para mapuntahan at i-comfort siya. Ayaw mo naman siguro na makitang nagpapa-comfort siya sa iba, ‘di ba? Huwag mong hayaang masayang ang oras niya sa kahihintay sa ‘yo, sapagkat hinding-hindi mo maibabalik ang oras, once na ma-realize mo ang halaga niya.
2. PAGKUKUSA. Sakaling makita mong may pinagdaraanang financial crisis ang iyong karelasyon, ikaw na ang magkusang tumulong sa kanya. Siyempre, nahihiya lang siyang magsabi sa ‘yo. Ibang usapan na rin kasi pagdating sa pera. Maliban sa tulong-pinansyal ay puwede mo rin siyang tulungang magbitbit ng mga dala niyang grocery. Puwede mo rin siyang damayan sa iba’t ibang trip niya sa buhay. Tandaan, ang pagkukusa ay hindi dapat naghihintay ng kahit ano’ng kapalit dahil kusang-loob ‘yang ginagawa at ibinibigay.
3. PAKIKINIG. “Bakit nga ba napaka-unfair ng mundo?” Huwag kang magtaka kung madalas mo ‘yang marinig sa kanya dahil sa ‘yo lang siya komportableng magsabi ng mga hinaing niya sa buhay. Kung galit siya sa boss niya, makinig ka lang. Kailangan niya lang naman ng taong makikinig sa kanya. ‘Yung mapagbabalingan ng bad trip niya. Hayaan mong humupa ang galit niya hanggang sa tuluyan siyang kumalma. Huwag na huwag mong sasabayan ang init ng ulo niya. Huwag mo ring problemahin ang pagpapayo sa kanya dahil sapat na ang presensya mo para mapakalma siya kalaunan.
4. APPRECIATION. I-appreciate mo siya, hindi lamang sa magagandang bagay kundi maging ang kanyang mga kapintasan. Suportahan mo pa rin siya kahit topakin siya o gaanuman siya kabaliw. Love him/her even at his/her worst. Hindi naman kailangang um-effort nang bongang-bonga para masabing na-a-appreciate mo siya. Small gesture is enough.
5. SUPORTA MULA SA PAMILYA. Napakasarap sa feeling kung legal at tanggap ang inyong relasyon both sides. ‘Yung tipong, hindi n’yo kailangang itago o ilihim ang inyong relasyon. Siyempre, hindi mawawala ‘yung may masasabi’t masasabi sila, pero given na ‘yun. Ang mahalaga ay may makuha kayong basbas at suporta mula sa mga magulang ng inyong karelasyon. Mahalin mo rin sila at itrato na parang mga magulang, sapagkat kung hindi dahil sa kanila ay hindi mo makikilala ang taong nagpapasaya sa iyo ngayon.
Siyempre, applicable lamang ang mga nabanggit kung ikaw ay “dating to marry”.
Ito ‘yung stage kung saan hindi mo binibilang ‘yung dami ng efforts niya o kung gaano kalaki ang mga nagastos niya sa iyo. ‘Yung mas pipiliin mo ang peace of mind kaysa gumawa ng kung anu-anong issues para pareho kayong mag-overthink. Tungkol ito sa mature couple na mayroong healthy relationship na layuning magkaroon ng strong foundation ang kanilang relasyon.
Okie?
Comments