top of page
Search
BULGAR

'Di nagpabakuna, bawal sa SONA!


ni Lolet Abania | July 19, 2021



Fully vaccinated na indibidwal lang ang papayagang pisikal na makadalo sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 26, ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza.


Sa isang virtual interview kay Mendoza, sinabi nitong tinatayang nasa 350 katao ang maaaring dumalo sa SONA. “As of now, ang papayagan sa loob, around mga 350 na tao... magkakasama na lahat, senators, congressmen, mga ibang government officials saka ibang guests,” ani Mendoza ngayong Lunes.


“Ang ginawa natin kasi, ‘yung mag-a-attend nang physically sa SONA, ‘yung papasok, fully-vaccinated actually. ‘Yun ang isa sa requirements na inano ng PSG, ini-require ng House,” sabi ng opisyal.


“Kaya naman dinamihan natin ngayon, karamihan naman kasi is fully-vaccinated na. At the same time, nagluwag na rin ‘yung IATF so 30% ng capacity ng plenary ay puwedeng gamitin. Pero piling-pili rin talaga ang inano namin, ni-require na talagang fully-vaccinated ka,” sabi pa ni Mendoza.


Ayon kay Mendoza, ang mga dadalo sa SONA ay kailangang sumailalim sa RT-PCR at antigen testing. Aniya, ang RT-PCR test ay para sa mga papasok sa plenary habang ang antigen test ay para sa mga hindi kailangan sa loob ng plenary.


“Hindi naman natin pupunuin ‘yung plenary, eh. Plenary siguro, mga around 60... The rest kasi, nasa first and second gallery siya,” saad ni Mendoza. Dagdag niya, ang nasa guest list ay mga dating pangulo, mga bise-presidente, Speakers of the House, at iba pang mahahalagang personalidad na naimbitahan.


Binanggit din niya si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na nagkumpirmang dadalo sa SONA. Gayundin, si VP Leni Robredo ay naimbitahang dumalo subalit wala pang kumpirmasyon mula rito.


Magkakaroon din aniya ng Zoom links para sa mga hindi makaka-attend sa SONA. Samantala, ayon kay Mendoza, ang director ng SONA ngayong taon ni Pangulong Duterte ay mula sa government channel na PTV4.


Isasailalim din sa lockdown simula sa Biyernes, Hulyo 23, ang Batasang Pambansa. “Ginagawa naman talaga ‘yun. Normally by Friday, lockdown na talaga, wala na talagang puwedeng pumasok sa Batasan starting Friday,” ani pa ni Mendoza.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page