ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Jan. 21, 2025
Photo: Herbert Bautista - FB
“Hindi pa naman makukulong agad kasi may appeal pa si ex-Mayor Herbert (Bautista),” ito ang sabi ng aming nakausap na taga-Quezon City Hall tungkol sa hatol sa dating ama ng Quezon City.
Makukulong ng anim hanggang sampung (10) taon ang hatol ng Sandiganbayan kay dating Mayor Herbert Bautista sa kasong graft na involved siya sa dalawang government projects noong 2019 at kasama nito ang dating city administrator na si Aldrin Cuña na in-approve ni Ombudsman Samuel Martires noong Feb. 3, 2023.
Matatandaang ang unang kaso ni HB ay tungkol sa release ng full payment na nagkakahalaga ng P32.107 million sa isang IT firm na bumili sa isang online occupation permitting at tracking system atbp..
Ang nasabing transaksiyon ay pinirmahan naman noon ng dating city administrator na si Aldrin Cuña.
Ang ikalawang graft case ay tungkol sa kabuuang bayad na P25.342 million sa iba pang firm para naman sa installation ng solar power system at waterproofing para sa isang civic center building.
Nabanggit ng Ombudsman na si Herbert ang pumirma ng disbursement voucher para sa bayaran na ito kahit may pagkukulang ang kumpanya na makuha ang net metering system mula sa Meralco at si Aldrin Cuña naman ang nag-isyu ng certificate of acceptance.
Base sa desisyon ng Sandiganbayan ay napatunayang nagkasala sina Bautista at Cuña dahil sa anomalya sa procurement ng Online Occupational Permitting Tracking System (OOPTS) na nagkakahalaga ng P32 million.
Bilang isa rin sa mga parusa ay hindi na rin pupuwedeng magkaroon ng anumang posisyon sa gobyerno ang mga nabanggit.
Base sa mga inilabas na CCTV ng GMA News ay sina Herbert at Aldrin kasama ang kanilang mga abogado lang ang kasama nila sa korte nang basahan sila ng hatol.
Hindi kasama ng dating mayor ng Quezon City ang kanyang pamilya dahil kasalukuyan daw silang nasa ibang bansa.
Bukas ang BULGAR sa panig ni Herbert Bautista o ng kampo niya tungkol dito.
SA 40th year ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), muling tiniyak ng Board ang pagsusulong sa mandato nitong proteksiyunan ang pamilya at kabataang Pilipino sa pamamagitan ng responsableng regulasyon sa media at patuloy na pagsuporta sa industriya ng pelikula at telebisyon sa bansa.
Ipinahayag ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio ang malalim na dedikasyon ng Board na maihatid sa publiko ang tamang impormasyon at responsableng paggamit ng media na siyang may malaking parte sa paghubog ng lipunan.
Aniya, “Ngayong 2025, mananatili po tayong matatag sa ating misyon na maisulong ang responsableng panonood para sa kapakanan ng pamilyang Pilipino. Atin ding tinitiyak ang patuloy na pagsuporta sa industriya ng paglikha sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng angkop na klasipikasyon sa bawat palabas at pelikula at ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder.”
Mas palalakasin pa ng MTRCB ang pakikipagkolaborasyon sa lokal na mga direktor, producer, at TV network, pati na rin sa mga streaming platform at mga kaalyadong bansa.
Sa pamamagitan nito, mas matutugunan ng MTRCB ang iba’t ibang hamon pagdating sa media regulation habang pinapaunlad ang masining at inobasyon sa industriya ng pelikula at telebisyon.
Ayon pa kay Sotto-Antonio, ipagpapatuloy ng ahensiya ang pagsusulong ng kampanyang “Responsableng Panonood” na layong maturuan ang publiko sa importansiya ng tama at angkop na pagpili ng mga palabas, partikular sa mga batang manonood.
At dahil sa mabilis na paglago ng digital platforms at teknolohiya sa bansa, nangako rin ang MTRCB na gamitin ang mga makabagong pamamaraan pagdating sa polisiya at regulasyon, at sa pagpapanatili ng Filipino cultural values na siyang pamantayan para sa proteksiyon ng mga manonood.
Sayang na sayang talaga siya…
MAY ATTITUDE NA AKTOR, AYAW NANG BIGYAN NG SHOW NG NETWORK
BLIND ITEM:
TRULILI kaya na hindi muna bibigyan ng project ng TV network ang aktor na halos lahat ng project nito ay hindi nagtagumpay?
Ilang beses na raw kasing humihingi ng meeting ang aktor sa TV network kasama ang handler nito mula sa kanyang management company pero lagi siyang hindi napagbibigyan.
Kaya raw pala nanghihingi ng meeting ang aktor sa management ng TV network ay para alamin kung ano ang ibibigay sa kanyang proyekto.
Kaya pala hindi hinaharap ang aktor ay dahil wala rin palang maisasagot ang management ng TV network, kaya minabuti nilang iparating na lang sa may hawak ng karera nito na sa taong 2025 ay wala sa line-up nila ito.
Sobrang nalungkot ang aktor dahil pinagbubuti naman daw nito ang trabaho niya. ‘Yun nga lang, sa sobrang pagbubuti niya ay may mga tao sa production na napapakitaan niya ng hindi magandang asal, kaya ang mga nabanggit na rin ang nagsabing ayaw na siyang makatrabaho.
Comments