‘Di na nakatiis, nakipag-break na… KOBE, NILAIT NG PAMILYA NI KYLINE
- BULGAR
- 49 minutes ago
- 2 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Apr. 29, 2025
Photo: Kobe Paras - IG
Malaking rebelasyon ang ibinulgar ni Jackie Forster sa tunay na dahilan ng breakup nina Kobe Paras at Kyline Alcantara. Ang anak daw niyang si Kobe ang nakipaghiwalay dahil hindi na makatagal sa pananakit ni Kyline, physically at emotionally.
Nilait din daw ng parents ni Kyline ang kanyang anak na si Kobe kaya raw nang hindi na ito nakatiis, tinapos ni Kobe ang kanilang relasyon.
Isa pa sa mga binanggit ni Jackie Forster ay nag-live-in sina Kyline at Kobe Paras.
At ‘yung isyu ng cheating, ang sagot dito ni Jackie ay hiwalay na sina Kyline at Kobe nang lumutang ang sinasabing third party na bagong GF ng cager. Single na ang status ni Kobe dahil break na sila ni Kyline, kaya hindi siya dapat maakusahan na cheater at two-timer.
Well, ang payo naman ng mga fans na nakikisimpatya kay Kyline, sa susunod na umibig siyang muli ay pumili ng lalaking ulila na sa ina upang wala nang kontrabida at makikialam sa kanilang relasyon.
Noong si Mavy Legaspi ang kanyang BF, ang pagiging mama’s boy nito ang naging dahilan ng kanilang paghihiwalay.
Ngayon, si Jackie Forster na mommy ni Kobe naman ang dumedepensa para ipagtanggol ang anak sa mga bashers.
BALITANG-BALITA na ngayon ang pamamaalam sa TV5 ng programang Wil To Win (WTW) ni Willie Revillame.
Sumadsad daw ang ratings ng show mula nang iwan ni Willie at pinalitan ng BFF niyang si Randy Santiago nang mag-file ng candidacy ang TV host sa pagka-senador.
Siyempre, nanibago ang mga viewers ng WTW kay Randy. Si Willie pa rin ang hinahanap at gusto nila. Iba ang karisma ni Revillame na nakasanayan ng mga viewers.
Eh, paano na kaya kung sakaling hindi lumusot sa pagka-senador si Revillame?
May babalikan pa ba siyang show sa TV5? Tuluyan na ba siyang magre-retire sa showbiz at magnenegosyo na lang?
MARAMI ang namba-bash ngayon sa veteran actress na si Celia Rodriguez dahil sa naging pahayag niya sa eulogy noong huling burol ni Nora Aunor sa The Heritage Chapel sa Taguig.
Ikinuwento ni Manay Celia ang mga ginawang pagtulong ng yumaong Superstar sa napakaraming taong lumapit at humingi ng tulong kay Guy noong nasa peak ito ng success.
Milyones man ang kinikita noon ni Aunor, ito ay kanya ring ibinabahagi at itinutulong sa mga mahihirap. Sobrang generous ng Superstar, kaya dumating sa punto na halos masaid na rin siya financially.
Gayunpaman, masaya at no regrets daw si Nora Aunor sa ginawa niyang pagkakawanggawa. Sanay din si Nora sa simpleng pamumuhay. Wala siyang luho sa katawan, wala siyang hilig sa branded at mamahaling gamit. Lahat ng charity works na ginagawa ni Aunor, ayon kay Manay Celia.
Kaya naman sa kanyang tribute para sa Superstar ay kinalampag at nanawagan siya sa ibang sikat at malalaking artista na kumikita nang milyones na sana ay tularan si La Aunor. Mag-share rin daw sila at tumulong sa mga taong kapos sa buhay.
Well, sa panahon ngayon, bibihira na siguro ang mga artistang magkukusa na tumulong sa mga nangangailangan. Ang importante sa kanila ay magdagdag pa ng yaman para secured na ang kanilang future.