ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Ika-8 Araw ng Abril, 2024
Dear Sister Isabel,
Ang problema ko ay ang kapitbahay namin, wala silang pakialam kung nakakapinsala na ba sila o hindi. Tuwing gabi na lang sila nag-iingay at palagi pang nag-iinuman sa harap ng gate namin. Meron naman silang gate, pero rito pa rin sa amin tumatambay.
Hindi na kami makatulog nang maayos dahil kapag nagbe-videoke sila, sabay-sabay pa kung magsigawan. Bakit kaya hindi sila nahihiya? Wala silang pakialam sa damdamin ng kanilang kapwa.
Nagtataka kami, wala silang mga trabaho at nag-aabang lang ng ayuda at tulong ng gobyerno, pero araw-araw may pang-videoke. Hindi ko naman sila masaway, kasi baka magwala at lalo pang lumala ang problema ko sa kanila.
Ano kaya ang dapat kong gawin. Turuan n’yo ako ng tamang diskarte. Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Jonabel ng Malabon
Sa iyo, Jonabel,
I-report mo sila sa barangay. Ang kapitan ng barangay n’yo na ang bahalang sumuway sa kanila.
Sa palagay ko naman kapag kinausap sila ng kapitan n’yo, titigil na ang mga iyan.
Ganyan lang naman ka-simple ang solusyon sa problema mo. Sa isang banda kaibiganin mo na rin sila, makipagkuwentuhan ka paminsan-minsan. Akala siguro nila matapobre ka. Hindi mo kasi yata sila pinapansin kaya gumagawa sila ng mga bagay na ikaiinis mo. Pakikisama ang dapat mong gawin upang gumaan ang loob sa iyo ng mga kapitbahay mo, at para na rin mahiya na silang gumawa ng mga bagay na alam nilang hindi maganda.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments