top of page
Search
BULGAR

‘Di na knows kung sino ang kakampihan… Kapatid na bungangera, asawa naurat

ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | August 22, 2024



Kuwento ng Buhay at Pag-Ibig ni Sis. Isabel

Dear Sister Isabel,


Hindi ko alam kung paano ko uumpisahan ang kuwento ng aking buhay. Hindi ko na kasi alam kung sino ang kakampihan ko. Araw-araw na kasing nag-aaway ang kapatid at ang bayaw ko. Hanggang sa dumating na nga sa puntong nasaktan na ng bayaw ko ang kapatid ko.


Sa kanila ako nakikitira, dahil dalawa na lang kami, at ulila na rin kami sa magulang.

Sa tingin ko ay responsable at masipag naman ang bayaw ko. Habang ang kapatid ko naman ay isang tamad, at ‘di pa ginagampanan ang pagiging mabuti niyang asawa. 

Dakdak siya nang dakdak kahit na wala namang kabuluhan ang sinasabi niya. Kaya rin siguro nasasaktan ang asawa niya. Hindi ko naman mapagsabihan ang kapatid ko, dahil mas matanda siya sa akin. 


Pero alam mo ba, Sister Isabel? Awang-awa na ako sa asawa niya. Siguro ‘di na rin siya nakapagpigil, kaya naman nasaktan niya tuloy ‘yung kapatid ko. 


Mabuti na lang at ‘di lumaban ‘yung kapatid ko sa asawa niya. Ano ba ang dapat kong gawin upang mabago ko ang ugali ng kapatid ko? Para ‘di na rin siya saktan ng asawa niya at maging maganda na ang pagsasama nila. 


May alam ba kayong orasyon para mapasunod ang isang tao? Sa palagay ko kasi ‘yun na lang ang puwede kong maitulong sa kanila. Hihintayin ko ang payo n’yo.


Nagpapasalamat,

Maritess ng Batangas


 

Sa iyo, Maritess,


Mabuti naman at may malasakit ka sa kapatid mo, at gusto mong maituwid ang pagkakamali niya. Sinubukan mo na ba siyang kausapin? Kung hindi pa, gawin mo na. Kausapin mo siya sa mahinahong pamamaraan. Oo nga’t mas nakakatanda siya sa iyo, pero mas matured ka naman kung mag-isip kaysa sa kanya. 


Kung hindi pa rin magbabago ang ugali niya, subukan mo siyang pakausapin sa kinatatakutan at ginagalang niyang tita o tito. Kung ganu’n pa rin, at ‘di pa rin siya nagbabago, sumangguni ka na sa psychologist. Baka may mental disorder na ang ate mo. Samahan mo na rin ng dasal, at humiling ka sa Diyos na baguhin na sana ng ate mo ang kanyang pag-uugali, upang makita na niya ang kanyang pagkakamali, at maging isang mabuting asawa.


Tungkol naman sa tanong mo kung may alam akong orasyon upang mapasunod ang isang tao, subukan mo siyang dasalan ng Sumasampalataya (I Believe in God ). Pagdating sa “ikawawala ng mga kasalanan,” huminto ka, at banggitin mo nang 7 beses ang full name ng ate mo, at isunod mo ang wish mo na sana mawala na ang pangit niyang pag-uugali na sana paglingkuran at mahalin na niya ang kanyang asawa. Gawin nawa niyang tungkulin ang pagiging isang mabuting asawa. Pagkatapos nu’n, isunod mo ang Ama Namin, Aba Ginoong Maria, at Luwalhati Sa Ama. 


Hanggang dito na lang, lakip nito ang aking dalangin na magbago na ang ugali ng ate mo, maging maligaya na sana ang pagsasama nila, hindi lamang ngayon kundi maging bukas at magpakailanman.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo



Mga Kwento ng Buhay at Pag-Ibig

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page