top of page
Search
BULGAR

‘Di na keri pa pakisamahan… Misis, umay na sa mister na mama’s boy

ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | September 17, 2024



Kuwento ng Buhay at Pag-Ibig

Dear Sister Isabel,


Magandang araw sa inyong lahat d’yan sa Bulgar. 

Pinilit akong ipakasal ng magulang ko sa lalaking hindi ko naman tunay na mahal.

Kaya naman kalbaryo lang ang inabot ko. Napakatamad niya at ang masaklap pa ay napaka-mama's boy niya. Nakaasa lang siya sa kanyang magulang, kaya naman naisipan kong mangibang-bansa. Sa awa ng Diyos, pumayag naman siya. Kaysa na matuwa ako, nakita ko kung paano siya mas naging batugan dahil sa tuwing sumusuweldo ako, sa kanya ko dinederetso.


May dalawa na kaming anak. Mabuti na lang ay nagpapakatatay siya sa mga anak namin. Kuntento na ang mga anak namin sa kanya, dahil ramdam na ramdam daw nila ang pagmamahal ng kanilang ama. 


Wala pa ‘kong balak umuwi nu’n sa ‘Pinas, dahil gusto ko bago ako umuwi ay makapagtapos muna ng kolehiyo ang mga anak ko.


Makalipas ang ilang taon, naka-graduate na rin sa wakas ang dalawa kong anak. Kaya naman agad akong nagpasyang umuwi sa ‘Pinas, at doon na muling manirahan. 

Mas tumabang ang pagsasama namin ng asawa ko. Mas naramdaman ko talaga na walang namamagitang pagmamahal sa amin. Sa katunayan, nagsasama lang kami dahil sa mga anak namin. Gusto ko na sana muling mag-asawa, wala namang problema sa asawa ko, dahil wala rin naman siyang feelings sa akin, subalit tutol ang mga anak ko. Ayaw pumayag ng mga anak namin na maghiwalay kami, at magkani-kanyang buhay sa piling ng aming napupusuan. 


Nagbanta pa ang isang kong anak na mas pipiliin na lamang umano niyang mawala sa mundo kaysa na magkahiwalay kami ng ama niya. 

Nawa ay mapayuhan n’yo ako sa dapat kong gawin. Hihintayin ko ang payo n’yo.


Nagpapasalamat, 

Dolores ng Batangas



 

File Photo

Sa iyo, Dolores,


Mag-isip-isip muna kayo. Unang-una, kasal kayo, at hindi ka na puwede pang ikasal sa iba. Kabit lang ang magiging status kung papatol ka pa sa iba, maliban na lang kung magpa-file ka ng annulment. May katwiran ang anak mo na tutol sa iniisip n’yo na magkani-kanya. 


Sa palagay ko naman, puwede pang maibalik ang pagmamahalan n’yo alang-alang na lamang sa mga anak n’yo. Ipakita mo sa mga anak mo na ginagawa mo ang tungkulin mo bilang ilaw ng tahanan. Kapag naramdam ng asawa mo ‘yun, tiyak na susuklian din niya ang pagmamahal na ipinapakita mo. 


Hindi ka man niya pinigilan mag-abroad, naging mabuti naman siyang ama sa mga anak mo. Ngayon na ang tamang panahon para iparamdam sa asawa mo ang iyong pagmamahal, natitiyak kong susuklian din niya ng pagmamahal ang effort mo para maging buo at masaya ang inyong pamilya. 


Nakakasiguro din ako na hindi na siya maghahanap pa ng iba, dahil para lang kayong kumuha ng bato na ipupukpok sa ulo n’yo kung itutuloy n’yo ang balak n’yo na magkani-kanya. 


Nawa'y maunawaan mo ang sinasabi ko. Hanggang dito na lang, hangad ko ang kaligayahan n’yo. Sana ‘di na rin mawasak pa ang inyong pamilya. Dalangin ko na maging matibay at matatag pa kayo alang-alang sa inyong mga anak. 


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page