top of page
Search
BULGAR

'Di na kailangan ng ECQ… COVID patients, kayang-kaya nating gamutin — Roque

ni Lolet Abania | March 8, 2021





Hindi na kailangang bumalik sa full-scale lockdown sa kabila ng naitalang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kung saan aniya, may 60% hanggang 75% na mga kama sa mga intensive care units, isolation facilities at hospital wards para sa mga pasyenteng may coronavirus, habang 77% naman ng mga ventilators ang hindi nagagamit noon pang Marso 7.


“For the month of March, it is uncalled for,” ani Roque sa Palace briefing ngayong Lunes nang tanungin kung muling ibabalik ang bansa sa enhanced community quarantine (ECQ).


“Handa po tayong gamutin ang mga magkakasakit. Meron pong available na beds, at inatasan na po natin ang mga local government units na paigtingin ang compliance sa minimum public health standards, contact tracing, testing, at may kapangyarihan po sila na magpatupad ng localized lockdown,” paliwanag ng kalihim.


Ipinagdiinan din ni Roque na napakahusay ng ginagawa ng Pilipinas sa pagkontrol ng COVID-19, kahit na bumagsak ang ekonomiya ng bansa ng hanggang -9% na naitalang pagsadsad nang husto mula pa noong 1946.


Ayon kay Roque, mahigit sa 90% ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa ay mga mild at asymptomatic at ang mga naitalang namatay naman ay umabot lamang sa higit 12,000 na mas mababa kumpara sa United States na napakayamang bansa.


“We were excellent. Na-control po natin ang pagkalat ng sakit lalung-lalo na kung ikukumpara tayo sa mas mayayaman at mga bansa na mas mararami at mas moderno ang mga ospital," ani Roque.


"Hindi po tayo nasa top 5, hindi po tayo nasa 10, hindi po tayo nasa top 15, hindi tayo nasa top 20, hindi tayo nasa top 25. So we did a very good job given na talagang kulang na kulang po talaga ang ating health facilities at kulang iyong pondo na ibinubuhos natin para sa health sector,” dagdag ng opisyal.


Samantala, ipinahayag ng Department of Health (DOH) na hindi pa kailangan ng time-out para sa mga health workers sa ngayon kahit na tumataas ang mga tinamaan ng coronavirus.


“When we went around, nakita natin dumadami po talaga ang mga tao sa ER (emergency room), ang may mga sintomas ng COVID. Pero to say that the system is overwhelmed? No,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang online briefing ngayong Lunes. “'Pag tiningnan po natin ang healthcare utilization, we’re still at the manageable level na mayroon pa po tayong almost 50% na puwede ma-accommodate ang ating mga pasyente,” sabi pa ni Vergeire.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page