ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | June 23, 2024
KATANUNGAN
Ang problema ko ay tungkol sa aking pamilya. Mag-iisang taon na kaming hiwalay ng aking asawa. Nais ko sanang malaman at itanong sa inyo kung magkakabalikan pa ba kami o hindi na?
Kung hindi na kami magkakabalikan, may ikalawa pa kayang lalaki na darating sa buhay ko kahit na medyo may edad na ako ngayon?
Kung ang tatanungin naman ang aking palad, napansin ko na may ikalawang guhit ako ng marriage line. Kaya naisip ko na posible pa akong magkaroon ng ikalawang pag-aasawa, dahil ang asawa ko lang sa ngayon ang nakarelasyon ko sa buong buhay ko.
Kung may ikalawang pag-aasawa nga, kailan kaya ito mangyayari at magiging maligaya kaya ako sa ikalawang pag-aasawa?
KASAGUTAN
Kapansin-pansin at malinaw na may nakita nga akong ikalawa at mas mahaba at mas makapal na Marriage Line (Drawing A. at B., 2-M arrow b.), matapos mabiyak at tuluyang mawasak ang unang Marriage Line (Drawing A. at B., 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanang palad mo.
Ito ay malinaw na tanda na kung nabigo ka na sa unang pag-aasawa at naghiwalay kayo, may pag-asa ka pang maging masaya sa ikalawang pag-aasawa. Ito ay kinumpirma ng pumangit na Heart Line (Drawing A. at B., h-h arrow c.) mula sa unahan hanggang gitna, at ang pagpapakita ng potensyal na pang habambuhay na pag-ibig mula sa gitna hanggang huling bahagi ng Heart Line (Drawing A. at B., h-h arrow d.) sa kaliwa at kanang palad mo.
Ito ay tanda na sa pagtungtong mo sa edad na 36 pataas, kung hindi man maganda ang unang pag-aasawa, posible pa ring magkaroon ng matagumpay, masaya, at panghabambuhay na pag-aasawa sa ikalawang pagkakataon. Ito ay inaasahang mangyayari sa 2025 o 2026, sa edad mong 37 pataas.
MGA DAPAT GAWIN
Sa totoo lang, hindi lahat ng pag-aasawa ay nagtatapos sa isang maligaya at panghabambuhay na pagsasama, dahil may mga pagkakataon ng pangangaliwa. Pero, hindi ibig sabihin nito na tapos na ang buhay at kapalaran mo. Maaari pa ring magkaroon ng masayang pangalawang pag-ibig sa hinaharap.
Habang ayon sa iyong mga datos, Zabi, ang nasabing senaryo o pangyayaring tinuran sa itaas, tulad ng nabanggit na ay nakatakdang mangyari at matupad sa iyong kapalaran, kung saan, sa taong 2026 sa buwan ng Mayo o Hunyo sa edad mong 37 pataas, makapag-aasawa kang muli at habambuhay na liligaya, hatid ng isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Libra.
Comments