ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Enero 9, 2024
KATANUNGAN
Halos tatlong taon na kaming hiwalay ng mister ko. May kinakasama na siya ngayon na ibang babae. Ang pagkakaalam ko, halos dalawang taon na silang nagsasama ng babae niya at may anak na sila. Apat na ang naging anak namin, nasa kanya ‘yung dalawa at nasa pangangalaga ko naman ‘yung dalawa pa.
Sa ngayon, may boyfriend ako at niyayaya na niya akong magsama at ito ang dahilan kaya naisipan kong sumangguni sa inyo. Gusto kong malaman kung tama ba ang pasya ko na makisama na sa boyfriend kong isinilang noong May 2, 1979 habang ako naman ay September 16, 1982. Gayundin, compatible ba kami at kung kami ang magsasama, magiging maunlad at maligaya ba ang bubuuin naming pamilya?
KASAGUTAN
Bagama’t kapansin-pansing dalawa ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M at 2-M arrow a. at arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, sadya namang biyak at maikli ang una (arrow a.), habang mahaba na makapal naman ang ikalawa (arrow b.)
Ibig sabihin, kung minalas o hindi ka sinuwerte sa unang pag-aasawa dahil naghiwalay kayo, tiyak namang sa ikalawang pag-aasawa, susuwertehin at papalarin ka na. Ang pag-aanalisang may ikalawang mas masaya at okey na pag-aasawa ay madali namang kinumpirma ng nabiyak at nagkabilog na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa una hanggang gitnang bahagi, pero gumanda, naging maayos at luminaw na ang gitna hanggang sa dulong bahagi ng nasabing Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ito ay tanda na tulad ng nasabi na, higit na magiging matagumpay at maligaya ang papasukin mong ikalawang pag-aasawa kung ikukumpara sa una. Ibig sabihin, walang pagdadalawang-isip at pagdududa na puwede mo nang tanggapin ang alok ng kasalukuyan mong boyfriend na magsama dahil bukod sa compatible ang zodiac sign mong Virgo sa zodiac sign niyang Taurus, sadya namang napakapositibo at maganda ang ipinapangako ng mga tanda o guhit sa kaliwa at kanan mong palad.
DAPAT GAWIN
Janine, ayon sa iyong mga datos, kung naging malungkot ang karanasan mo sa larangan ng pag-ibig sa unang pag-aasawa, umasa kang sa ikalawang pag-aasawa o pakikisama sa ikalawang lalaking iyong mamahalin, sa piling ng nasabing lalaking isinilang sa zodiac sign na Taurus na kasalukuyan mo na ngang boyfriend, tiyak ang magaganap dahil may pangako na ng isang maligaya at panghabambuhay na ligaya.
Comentarios