ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | September 12, 2022
Dear Sister Isabel,
Ayaw ko na sanang malaman ng iba ang problema ko, pero hindi ko na ito kayang sarilihin, kaya naisipan kong kumonsulta sa inyo. Alam ko kasing matutulungan n’yo ako sa pamamagitan ng inyong payo.
Totoo pala na kung sino ang kapatid mo ay siya pa ang hindi mo makakasundo. Dahil lang ito sa kapirasong balkonahe, na siyang right of way para makapasok sa bahay ko. Kung tutuusin ay maliit na problema lang ito, pero pinalaki pa ng nakatatanda kong kapatid. Sakop ng area ko ang balkonaheng ‘yun, pero inangkin niya at nilagyan ng gate, kaya hindi ko na madaanan. Hindi siya madaan sa pakiusap, kaya wala akong nagawa kundi manahimik na lang. Ang masakit pa, siningil niya ako ng malaking halaga na katumbas ng minana kong area sa bakuran namin.
Siya rin kasi ang nag-asikaso ng lahat para magkaroon kami ng kani-kanyang titulo. Nagulat na lang ako dahil sapilitan ang paniningil niya at tinubuan pa niya. Parang hindi kapatid ang turing sa akin.
Sa ngayon, tanggap ko na talagang ganyan ang buhay, kaya lang, Sister Isabel, dumarating sa punto na sobrang lungkot ko. Nag-iisa na lang ako sa buhay dahil nag-asawa na ang mga anak ko, biyuda na rin ako, kaya wala akong karamay sa aking kalungkutan. Sa edad ko ngayon, parang kailangan ko na talaga ng mapagsasabihan ng mga problema, kaya naisipan kong sumangguni sa inyo. Umaasa ako na gagaan ang pakiramdam ko sa ipapayo n’yo.
Nagpapasalamat,
Elena ng Mandaluyong City
Sa iyo, Elena,
Lahat ng tao sa mundo ay may kani-kanyang problema. Dahil d’yan, huwag mong masyadong seryosohin ang mga problema mo dahil lilipas din ang mga ‘yan. Alalahanin mo na walang permanente sa mundo, bagkus, paikot-ikot lang ang buhay natin.
Sa totoo lang, mabuti kung nalulungkot ka ngayon dahil ang kasunod niyan ay ligaya. ‘Ika nga, patay lang ang walang problema. Habang may buhay, may pag-asa. Kung may hirap, may ginhawa. Kung may tiyaga, may nilaga. Ganyan kasimple ang buhay sa mundo.
Take care of today’s problems and leave tomorrow in God’s hand. Speaking of God, palagi kang tumawag sa Kanya dahil Siya ang karamay mo sa iyong pag-i-isa. Mahal ng Diyos ang mga biyuda, kaya ang dapat mong gawin ay huwag makakalimot magdasal.
Ang Diyos ay makatarungan, palagi Siyang may nakalaang surpresa sa mga taong kinalulugdan Niya. Gayundin, manatili kang mapagpakumbaba, may malinis na kalooban at mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili. Tiyak na ang naghihintay sa iyo ay napakalaking pagpapala at mga biyaya.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments