ni Mylene Alfonso | June 1, 2023
Upang maunawaan ng pangkaraniwang Pilipino ang panukalang Maharlika Investment Fund Act, isinusulong ni Sen. Robinhood 'Robin' C. Padilla ang pagsalin sa Filipino ng panukalang batas at ang kaugnay nitong dokumento.
Ginawa ni Padilla ang pahayag na nagsusulong sa paggamit ng wikang Filipino sa opisyal na dokumento ng pamahalaan ng Pilipinas, sa pamamagitan ng pagmungkahi ng pag-amyenda sa Maharlika bill sa Senado, Miyerkules ng madaling-araw.
Tinanggap ito ni Sen. Mark Villar, ang sponsor ng Maharlika bill.
"Magmula kaninang umaga, marami na po tayong kababayang nand'yan sa labas at sila nagpoprotesta at sa kanila pong sinasabi hindi nila naintindihan ang atin pong panukala na Maharlika bill. Kanina din pong tanghali meron tayong bisitang barangay captain.
Nang sinabi po natin sa kanila tungkol sa Maharlika bill na ito, ating panukala, sila po ay (nagsabi), 'di namin naintindihan 'yan," paliwanag ni Padilla.
Ipinunto rin ni Padilla na sa Sec. 6, Art. XVI ng 1987 Constitution, ang pamahalaan ay gagawa ng hakbang para gamitin ang Filipino bilang "medium of official communication and as language of instruction in the educational system".
Unang tinanggap ni Villar ang panukala ni Padilla sa seksyon tungkol sa right to freedom of information of the public: "All documents of the MIF (Maharlika Investment Fund) and MIC (Maharlika Investment Corp.) shall be open, available and accessible to the public in both English and Filipino".
Isa pang panukala ni Padilla na tinanggap ni Villar ay sa "Effectivity" kung saan ang pagsalin ng batas sa Filipino ay ilalathala sa Official Gazette o sa dyaryong may general circulation sa Pilipinas.
Comentarios