top of page
Search
BULGAR

‘Di maibenta ang minanang bahay dahil tutol ang kapatid sa labas

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | July 11, 2022


Dear Sister Isabel,


Sumangguni ako sa inyo dahil batid kong kayo lang ang maaaring magbigay sa akin ng payo tungkol sa problemang kinakaharap ko ngayon. Labis akong nasisiyahan at ang sarap sa pakiramdam ‘pag nababasa ko ang mga payo n’yo sa inyong mga tagasubaybay.


Ang problema ko ay tungkol sa bahay ng namayapa kong ama. Ako, ang isa ko pang kapatid at ang aming ina ang legal na tagapagmana, pero may isa siyang anak sa labas na binata na.


May sakit ang mama ko at kailangan namin siyang ipagamot, kaya gusto naming ibenta ang bahay. Nandito ako ngayon sa bahay ng ama ko para ayusin ang pagbebenta ng bahay. May buyer na kami na pinsan ng mama ko. Naawa kasi siya sa mama ko dahil nakita niyang hirap na hirap na siya sa kanyang karamdaman.

Ang problema, ayaw pumayag ng kapatid namin sa labas na ibenta ang bahay. Pinagpipilitan niya na may share rin siya sa bahay at hindi niya kailangan ang pera.


Ano ang dapat kong gawin para makumbinsi siya na ibenta ang bahay, tutal ay bibigyan din namin siya ng share kapag nabili na ito?


Sinabi ko na rin sa kanya na may sakit ang mama ko at kailangan namin ang malaking halaga, pero ayaw niya talagang pumayag. Ayaw ko ng away, pero hindi ko makumbinsi sa magandang salita ang kapatid kong ito. Kaya sana ay matulungan n’yo ako. Hihintayin ko ang sagot n’yo.


Nagpapasalamat,

Danilo ng Pangasinan



Sa iyo, Danilo,


Makabubuting lumapit ka sa barangay at du’n mo sabihin ang problema mo. Kung sa pag-uusap n’yo ay ‘di pa rin makumbinsi ang kapatid mong ‘yan na ibenta ang minana n’yong bahay, lumapit ka sa kaanak n’yo na iginagalang niya at hindi niya puwedeng tanggihan. Sila ang kakausap sa kanya at kung hindi pa rin siya pumayag, kausapin n’yo na lang ‘yung buyer na ‘yung maliit na share ng kapatid mo ay hindi kasali sa ibinebenta n’yo.


Sa palagay ko ay papayag naman ‘yung buyer n’yo, lalo pa’t hindi naman siya iba sa inyo. Sa awa at tulong ng Diyos, makukumbinsi mo rin ang buyer na bilhin ang bahay na pamana sa inyo.


Ipagdasal mo lang nang taimtim sa Diyos ang problema mo. Prayer can move mountains. Tutugunan ng Diyos ang iyong dasal at maibebenta n’yo rin ang naturang bahay.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Recent Posts

See All

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page