ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Dec. 4, 2024
MALACAÑANG NASA LIKOD NG IMPEACHMENT CASE VS. VP SARA? -- Nagsampa na ng impeachment complaint laban kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ang iba’t ibang civil society groups at ito ay inendorso ni Akbayan Rep. Percival Cendana at pagkaraan ay tinanggap ito ni House of Representatives Secretary General Reginald Velasco.
At dahil ito ay tinanggap na ng Kamara, hindi maiaalis sa isipan ng publiko na Malacañang ang nasa likod ng impeachment case laban kay VP Sara lalo’t pinsang buo ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) si Speaker Martin Romualdez, period!
XXX
SEN. IMEE, DISMAYADO SA SENADO AT KAMARA DAHIL SA GINAGAWA SA KAIBIGAN NIYANG SI VP SARA -- Nagpakita ng pagkadismaya si Sen. Imee Marcos sa Senado at
Kamara tungkol sa ginagawa sa kanyang kaibigang si VP Sara.
Hindi na kasi dinagdagan ng Senado ang budget ng OVP at pagkaraan ay tinanggap pa ng Kamara ang impeachment complaint laban kay VP Sara, tsk!
XXX
KAY VP SARA MAGBU-BOOMERANG NA NAMAN ANG SINABI NG PSA NA WALANG BIRTH RECORD ANG ISANG ‘MARY GRACE PIATTOS’ NA RECIPIENT NG CONFI FUND -- Inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na walang birth record sa kanilang tanggapan ang nagngangalang “Mary Grace Piattos” na isa sa recipient ng confidential fund ni VP Sara.
Kung sinuman sa Office of the Vice President (OVP) ang naglagay ng pangalang “Mary Grace Piattos” bilang recipient ng confidential fund ay dapat sibakin ni VP Sara kasi kung hindi niya ito patatalsikin sa kanyang tanggapan ay sa kanya magbu-boomerang ang isyung ito, boom!
XXX
BAD ANG GAGAWIN NG MARCOS ADMIN NA GAMITIN SA MGA PROYEKTO NITO ANG PONDO NG SSS, GSIS AT PHILHEALTH -- Sinabi ni National Economic Development Authority (NEDA) Sec. Arsenio Balisacan na ang mga pondo raw ng Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS) at PhilHealth ay gagamitin daw ng pamahalaan para sa mga infrastructure at long-term projects.
Naku bad ‘yan, huwag gagawin iyan ng Marcos admin kasi ang mga pondo sa SSS, GSIS at PhilHealth ay mula sa kontribusyon ng mga miyembro nito, pang-pensyon, loan at health care nila iyan, hindi sila naglagak ng pera sa mga ahensyang iyan para kunin ng gobyerno at gamitin sa pang-infrastructures at long-term projects ng Marcos admin, period!
Comments