ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | January 29, 2023
KATANUNGAN
May babae ako ngayon, pero hindi ito alam ng misis ko. Kaya lang, kamakailan ay napapansin ko ang kanyang mga pagtatanong na parang nakakahalata na siya. Nagiging mausisa na siya at inaalam kung saan ako pumupunta, ngunit dati ay hindi naman siya ganu’n. Gayundin, palagi niyang tinitingnan ang cellphone ko kapag naibababa ko ito kung saan-saan.
Naisipan kong kumonsulta sa inyo, Maestro, dahil nais kong malaman kung mapapanatili ko bang lihim sa aking misis ang relasyon namin ng isa sa mga kasamahan ko sa trabaho at hindi ba dadating ang panahon na mabisto kami? Tiyak na malaking eskandalo ang magaganap at baka ikasira pa ito ng aming pamilya.
Ang totoo, wala naman akong intensyon na iwanan ang misis ko. Kaya lang naman ako nambabae ay dahil hindi sinasadya na nagustuhan ako ng dalagang kasamahan ko sa trabaho at parang hindi na kami makawala pa sa lihim na relasyong ito dahil mahal na namin ang isa’t isa. Sa inyong palagay, ano ang mangyayari sa magulong relasyon na napasukan ko?
KASAGUTAN
Duwag at may kabog ka pala sa dibdib, pero bakit mo pa pinasok ang ganyang buhay? Samantala, bagama’t malinaw na nakikita ang Guhit ng Pambababae o Panandaliang Pakikipagrelasyon (Drawing A. at B. f-f arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, maliwanag ang tugon na panandalian lamang ang nasabing pambababae.
Ibig sabihin, anuman ang mangyari, mabisto man ni misis o hindi ang ginagawa mong kalokohan ngayon, ang nasabing pambababae ay siguradong hindi magtatagal. At kung sa panahon ngayon, tunay ngang hindi ito makakaapekto sa inyong pamilya, gayundin sa relasyon n’yong mag-asawa. Pero hindi ‘yun ang delikado, bagkus, ang mas nakakatakot ay baka dumating ang sandali na mawili ka sa pambabae dahil hindi ito nabibisto ng iyong misis, na siya namang huwag mong gagawin.
Sapagkat kahit matino at maganda ang kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, hindi mo naman dapat panghawakan ang pag-aanalisa na habambuhay na magiging matatag ang inyong pamilya. Dapat mo ring pansinin ang medyo nagulo o nabiyak na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad, na malinaw na indikasyon o tanda na bagama’t makakalusot ang pambababae mong ginagawa ngayon, ngunit kapag ito ay inulit-ulit mo pa, may tendency na manganib ang relasyon n’yong mag-asawa hanggang sa tuluyang masira ang iyong pamilya.
MGA DAPAT GAWIN
Sabi nga Takbar, “Once is enough,” at hindi mo na ito dapat sundan pa kung sakaling tuluyang maputol ang relasyon n’yo ng kasalukuyang babae mo. ‘Yun ang dapat at talagang mangyayari sa iyong kapalaran.
Ayon sa iyong mga datos, hindi matatapos ang 2023, sa sandaling nalipat ng lugar ng trabaho ang kasalukuyan mong girlfriend, unti-unting lalabo hanggang sa lumamlam ang iyong relasyon. Sa panahong ‘yun, tulad ng naipaliwanag na, tuluyan na kayong maghihiwalay dahil sa malayong lugar, makakaroon siya ng bagong boyfriend at sa parte mo naman, muli kang makakabalik sa pagiging matinong ama ng iyong mga anak at ulirang mister, na walang ibang babae kundi si misis lamang.
Commentaires