ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | September 3, 2022
Dear Doc Erwin,
Ako ay 26 years old, may asawa, ngunit walang anak. Ipinayo ng nutritionist sa aking pinagtatrabahuan na dahil sa ako ay overweight at mataas ang blood sugar ay makabubuting subukan ko na idagdag sa aking diet ang chia seeds. Nais kong malaman kung ang chia seeds ay maganda sa kalusugan, mapapababa ba nito ang aking timbang at blood sugar? Ano ang posibleng adverse effect nito sa aking katawan? - Maria Elena
Sagot
Maraming salamat Maria Elena sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc. Ang chia seeds ay galing sa halamang Salvia hispanica na makikita sa Mexico. Makikita rin sa Amerika at Mexico at kahalintulad nito na tinatawag na Salvia columbariae. Ang chia seeds ay laganap din sa Guatemala at sa ibang parte ng Central at South Amerika. Ayon sa mga archeological evidence ang chia seeds ay kinakain na noon pang taon 3500 BC at ginagamit upang ialay sa mga Aztec gods sa mga religious ceremonies.
Ayon sa Harvard School of Public Health ay mayaman sa omega-3 fatty acids, fiber, protein, calcium, phosphorous at zinc ang chia seeds. Ang dalawang kutsara o 28 grams ng chia seeds ay naglalaman ng 140 calories, 4 grams ng protina, 11 grams ng fiber, 7 grams ng unsaturated fat, 18% ng RDA ng calcium at trace minerals na zinc at copper. Ayon pa sa Harvard School of Public Health, ang chia seeds ang pinakamayaman na halaman na naglalaman ng omega-3 fatty acids. Ito ay naglalaman ng complete protein dahil kumpleto ito ng 9 na essential amino acids na hindi ginagawa ng ating katawan.
Matatandang, ayon sa mga animal at human studies na nakatutulong ang omega-3 fatty acids sa ating cardiovascular health dahil pinapababa nito ang ating cholesterol, blood pressure at inflammation. Tumutulong dito ito na ma-regulate ang normal na tibok ng puso at maiwasan ang abnormal na pamumuo ng dugo.
Makatutulong ba ang chia seeds upang bumaba ang inyong blood sugar level? Ayon sa randomized clinical trial na ang resulta ay inilathala sa European Journal of Clinical Nutrition noong 2017 ay napatunayang makatutulong ang chia seeds upang maiwasan ang biglaang pagtaas ng blood sugar level matapos kumain kaya ito ay makakatulong sa mga taong may Type 2 diabetes. Ngunit may kakulangan pa ang mga research studies upang malaman kung makatutulong ang chia seeds upang mapanatili na mababa ang blood sugar level.
Bagama’t hindi pa napatutunayang ito nga ay epektibo na nagpapababa ng timbang at ng blood sugar level ay makatutulong pa rin ang chia seeds sa iyong kalusugan dahil sa mga nabanggit na epekto nito sa good and bad cholesterol, pagbaba ng blood pressure at inflammation sa ating katawan, pagpapanatili ng maayos na pagtibok ng ating puso at makaiiwas tayo sa abnormal na pamumuo ng ating dugo.
Tandaan, tulad ng sesame seeds at hazelnuts ay maaaring may allergy sa chia seeds kaya’t makabubuti na mag-ingat kung may allergy sa sesame seeds at hazelnuts at pinaplano na idagdag ang chia seeds sa iyong diet. Mas makabubuti rin na ibabad muna ang chia seeds sa tubig o juice bago ito kainin. Maaaring mag-expand ang chia seeds dahil kaya nitong mag-absorb ng tubig up to 12 times ng bigat nito kaya’t maaaring magbara ito sa iyong lalamunan kung kakainin ng tuyo at hindi pa naibabad sa likido.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments