ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Pebrero 4, 2024
Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.
Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Snake o Ahas.
Ang Snake o Ahas ay silang mga isinilang noong taong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013, at 2025.
Sinasabing ang Ahas ay siya ring Taurus sa Western Astrology na nagtataglay ng ruling planet na Venus.
Ayon sa Western Astrology, ang Taurus ay isa sa pinakamapalad na zodiac sign ngayong 2024, dahil nasa zodiac sign niya ang auspicious planet na si Jupiter. Dagdag dito, ang mga Ahas ay mapalad mula alas-9 ng umaga hanggang alas-11 ng umaga. Higit lalo sa buwan ng Abril hanggang Mayo at Setyembre hanggang Nobyembre, habang ang kanilang mapalad na direksyon ay ang timog at timog silangan.
Pinaniniwalaan na ang mga Ahas na isinilang sa panahon ng tagsibol at tag-araw ang higit na mapanganib. Kung ikukumpara sa medyo tutulug-tulog at tahimik niyang kapatid na isinilang sa panahon ng taglamig at taglagas.
Ang Ahas ay nagtataglay ng kakaibang pang-akit, pagkamisteryoso na hinaluan ng sobrang katalinuhan at pagkatuso. Ang ugaling ito ng Ahas ay kilalang-kilala sa pagiging praktikal.
Sa kabilang ng pagiging praktikal, karamihan sa mga Ahas ay sadyang nahuhumaling sa mga gawaing may kaugnayan sa espiritwalidad, misticismo at kakaibang relihiyon o paniniwala, na lihim na ikinasasaya at ikinalulugod ng kanilang damdamin at kaluluwa.
Kaya kung ang isang Ahas ay aktibo sa kanyang relihiyon, asahan mong magiging deboto siya. Kung saan, habang siya’y nagseseryoso sa gawaing espiritwal, mas lalo siyang susuwertehin at pinagpapalain ng langit.
Sinasabi rin na sa panahon na sobrang abala ang Ahas sa nasabing mga bagay na may kaugnayan sa relihiyon, misticismo at espiritwalidad, tiyak na sa panahong iyon ay nasa peak o rurok na sila ng kanilang kapalaran. Ibig sabihin, masaya, maunlad at mabunga na ang kanyang mga pinagkakaabalahan.
Itutuloy…
Comments