ni Nitz Miralles @Bida | January 26, 2023
Ang feeling ng mga fans ni Julie Anne San Jose, hindi talaga fan ng singer-actress ang nag-comment na mas magaling si Julie kesa kay Judy Ann Santos na umiiyak lang daw. Si Julie ay tagos ang bawat salita, na ang tinukoy siguro ng netizen ay ang mga eksena ni Julie sa Maria Clara at Ibarra.
Nag-react si Julie at ang sabi, “Hello po, hindi po totoo ito. I look up to Ms. Judy Ann, isa po siya sa pinakahinahangaan at pinapanood ko simula bata pa ako at marami pa po akong kakaining bigas. Itigil na po natin ito, salamat.”
Isa pang lumutang na isyu kay Julie ay overexposed daw ito dahil Monday to Friday, napapanood sa Maria Clara at Ibarra at 'pag Sunday, may All-Out Sundays at The Clash 2023 siya.
May gagawin pa silang pelikula ni Rayver Cruz at may ire-release pang online mini-series at may mga concerts pa. Plus, active rin siya sa recording. Julie is everywhere raw at baka sa halip na makatulong ay makasira sa career niya.
Sabi naman ng mga fans ni Julie, kulang pa ang exposure ng singer-actress. Gusto nilang makita siyang cover ng mga magasin at more endorsements pa. Saka, malapit nang magtapos ang Maria Clara at Ibarra kaya every Sunday na lang siya regular na mapapanood. Ang concert naman ay hindi araw-araw.
Kung may mga ayaw na laging napapanood si Julie, mas marami ang masaya sa sinasabing overexposure nito at majority wins. Saka, paano ba 'yan, nabanggit ni Atty. Annette Gozon na marami pang naka-line-up na projects for Julie?
Nakita kasing hindi lang siya singer, lumabas ang pagka-aktres niya sa Maria Clara at Ibarra.
Wala rin siyang eksenang inurungan, may kissing scene kay Dennis Trillo at may rape scene kay Juancho Triviño.
Comments