top of page
Search
BULGAR

‘Di lang basta staple food ng OFWs... Dates, panlaban sa hangover at anemia

ni Sir Govinda Jeremaya - @Halamang Gamot | September 16, 2020




Ang dates fruit.


Ngayong nag-uwian ang maraming overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Middle East, hindi maiiwasan na pagkuwentuhan ang kanilang naranasan tulad ng masasaya at malulungkot na kuwento ng buhay.


Gayundin, hindi naman nila maiiwasang magkuwento tungkol sa isang bunga ng halaman na wala rito sa atin at ito ay ang dates fruit.


Ang kuwento, nalaman nilang ang dates fruit ay staple food sa Middle East at kung ikukumpara sa atin, ito ay bigas at mais. Ibig sabihin, regular itong kinakain at ito na mismo ang pagkain ng mga taga-Middle East.


Dahil dito, maraming OFWs ang lihim na nagtatago o nagtatabi ng dates fruit para kanilang kainin kapag sila ay natapat sa amo na hindi maganda ang ugali. Hindi bigas o kanin at iba pang pagkaing Pinoy ang kanilang itinatago dahil kapag nakita ito ng kanilang amo, kukunin ito at itatapon.


Pero kapag ang nakita ng amo ay dates fruit, hahayaan lang itong itabi ng OFW, kaya malaki ang kanilang pasasalamat sa nasabing prutas.


Ang fossil record ng dates palm ay sinasabing noon pang mahigit-kumulang 50 milyong taon nang nakararaan.


Tulad ng nasabi na, ito ay unang nakita sa Midde East at ito ang kanilang pagkain araw-araw. Gayundin, dates fruits ang numero-unong dinadala ng mga tao sa paglalakbay kung pupunta sa malayong lugar sa halip na sako-sako ng iba pang klase ng pagkain na pabigat at pahirap sa mga manlalakbay.


Kaya sa gitnang silangan, ang dates fruits ay itinuring na prutas ng kaligtasan. Walang ibang prutas sa mundo na tinawag na ganito kundi ang dates fruit lang.


Gayunman, hindi ka lang sa gutom ililigtas ng dates dahil puwede ka rin nitong iligtas sa maraming klase ng sakit o karamdaman tulad ng mga sumusunod:

  1. Nagpapalakas ng buto ang dates kaya ito ay nagsisilbing gamot sa may osteoporosis dahil sa kombinasyon ng minerals na magnesium at copper na nasa dates fruit.

  2. Ililigtas din ng dates fruit ang mga taong nahihirapang dumumi dahil sa pagkain nito, mabilis na mailalabas ang dumi.

  3. Maililigtas ka rin ng dates sa nakamamatay na sakit sa puso. Napakataas ng potassium na nasa dates kaya pinananatili nito ang magandang kalusugan ng puso.

  4. Panlaban ito sa inflammation o pamamaga. Ito ay dahil tulad ng nasabi na, mataas ang taglay nitong magnesium na isang anti-inflammatory agent.

  5. Ililigtas din nito sa sakit mula sa menopausal period ang mga babae dahil magagawang labanan ng dates ang pamamaga ng mga bahagi ng reproductive system ng kababaihan.

  6. Panlaban sa anemia ang dates dahil ito ay mayaman sa iron.

  7. Nagpapaganda ng katawan ang dates para sa mga sobrang payat dahil ito ay mayaman sa calories.

  8. Ililigtas din ng dates ang mga taong mataas ang level ng cholesterol dahil ito ay mayaman sa fiber.

  9. Kaligtasan din ang hatid ng dates sa mga may hangover dahil sa sobrang pag-inom ng alak. Ang mataas na level ng fructose nito ay nagpapabilis para ma-digest ang alcohol sa katawan.

May mga mabibiling dates fruit sa mga pamilihan dito sa atin. Subukan mong tikman ang dates at malalaman mo na ang kuwento ng mga OFW tungkol sa prutas na ito ay nakamamangha.

Good luck!

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page