top of page
Search
BULGAR

‘Di kinuha ang permiso bago turukan...

magulang ng 13-anyos na namatay sa Dengvaxia, sumisigaw ng hustisya

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 24, 2020


Ang kalusugan at katalinuhan ng mga anak ay maituturing nang kayamanan ng mga magulang. Inaasahan ang mga ito na makapagdudulot ng kaligayahan at mabuting kapalaran sa buong pamilya. Ngunit sa sitwasyon ng mag-asawang Darwin at Merlyn Bataan, sa kasamaang-palad, ang pinagyaman nilang mga nabanggit na katangian sa kanilang anak na si Jansyn Art F. Bataan ay naghatid lamang sa kanila ng tuwa sa maikling panahon dahil sa trahedyang nangyari kay Jansyn, na patuloy nilang iniinda hanggang ngayon. Anila G. at Gng. Bataan sa mapait na nangyari sa kanilang anak:


“Masakit para sa amin ang biglaang pagkawala ng aming anak dahil malakas at athletic si Jansyn. Wala sa aming hinagap na siya ay mamamatay.”


Si Jansyn ay 13-anyos lamang nang namatay noong Enero 13, 2018. Siya ang ika-24 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Jansyn ay nabakunahan ng Dengvaxia noong Nobyembre 29, 2017 sa isang health center sa Caloocan. Disyembre 22, 2017, napansin ng kanyang mga magulang na siya ay nangangayayat at nag-umpisang makaranas ng pagkahilo. Napagdesisyunan nina G. at Gng. Bataan na dalhin siya sa isang ophthalmologist. Sinabihan sila na wala naman diumanong problema at umuwi na sila ng bahay. Nagpatuloy ang pangangayayat ni Jansyn, ganundin ang pagkahilo at pasumpung-sumpong na sinat niya.

Hindi naging maganda ang pasok ng 2018 sa pamilya Bataan dahil noong Enero 12, 2018 ay nagreklamo ng pagsusuka, pananakit ng ulo, tiyan, tagiliran at pagkahilo si Jansyn. Dahil dito, isinugod siya sa isang ospital sa Caloocan. Dinala siya sa emergency room at isinailalim sa iba’t ibang tests. Pagkatapos, in-admit siya roon at nag-umpisa na siyang magwala at umuungol dahil sa sakit sa ulo. Ang mga sumusunod ay ang mga naging kritikal na sandali ni Jansyn nang araw na ‘yun hanggang sa kanyang kamatayan noong Enero 13, 2018:

  1. Ala-1:30 ng hapon - In-intubate si Jansyn ng mga doktor. Nahirapan itong isagawa kay Jansyn dahil nag-lockjaw na siya. Kinailangan pang basagin ng mga doktor ang kanyang mga ngipin at pinilit na hatakin ang kanyang bibig ma-intubate lamang siya. Tuluyan nang na-comatose ni Jansyn.

  1. Alas-4:00 ng hapon - Nilagyan na siya ng oxygen machine. Natapos ang nasabing araw na nakahiga na lamang si Jansyn na parang lantang gulay at hindi na tumutugon kahit tapikin diumano siya ng kanyang mga magulang.

  1. Alas-12:00 ng hatinggabi - Nag-umpisang lumabas ang dugo sa ilong at bibig niya sa bawat paghinga niya. Kinailangan i-suction ang bibig niya, maalis lamang ang mga dugong lumalabas dito.

  1. Enero 13, 2018 - Nagpatuloy ang malubhang kalagayan ni Jansyn. Nanatiling mataas ang blood sugar niya, bumaba pa lalo ang blood pressure at platelet count niya. Dumarami na ang pagdurugo sa ilong niya at bumubulwak na ang dugo na nagkukulay itim sa bibig niya. Apat na beses sinubukang i-revive si Jansyn.

Sa pang-apat na pagre-revive sa kanya, anang kanyang mga magulang, “Matapos naming makita ang labis niyang paghihirap para lamang madugtungan pa ang kanyang buhay, amin na siyang binulungan na magpahinga na at isuko ang laban. Pagkatapos noon ay tuluyan ng pumanaw na si Jansyn.”

Ang tila palaisipan na iniwan ng kamatayan ni Jansyn ay unti-unting naintindihan ng kanyang mga magulang:


“Luminaw sa aming mag-asawa na ang bakunang ibinigay pala sa kanya ay hindi dapat itinuturok nang basta-basta dahil ito ay nangangailangan ng pahintulot ng mga magulang at dapat na isailalim ang mga bata sa masusing pagsuri bago maturukan nang malaman kung sila ay may karamdaman. Hindi nila hiningi sa amin ng permiso nang bakunahan ang aming dalawang anak sa kanilang eskuwelahan.


“Ang bakuna na sinasabi nilang magiging mabuti laban sa dengue ay ang parehong dahilan ng biglaang pagkamatay ng aming anak na si Jansyn. Ang dating malusog na bata ay namatay nang walang kalaban-laban. Mula pagkabata niya, hyper siya at matalino. Madalas siyang mag-basketball kaya papaanong sa ilang araw lang ay mawawala siya sa amin.”

Ang hapdi sa trahedyang sinapit ni Jansyn ay tila amin pang naririnig mula mismo sa mga salitang binitawan nina G. at Gng. Bataan:


“Ang mas nakasasama ng loob ay tinurukan ang aming anak noong November 29, 2017. Alam na ng lahat noon na hindi dapat na iturok pa ang nasabing bakuna dahil sa anunsiyo ng Sanofi na hindi ito ligtas sa mga hindi pa nagkaka-dengue. Kung hiningi sana nila ang permiso naming mag-asawa na iturok kay Jansyn ang nasabing bakuna ay hindi kami papayag na siya ay maturukan, sapagkat balita na noon na delikado ang Dengvaxia para sa mga bata. Ito ay nangangahulugan lamang na mayroong kamalian at kapabayaan ang mga taong nasa likod ng pagtuturok ng Dengvaxia.”

Upang maituwid ang naturang kamalian at mapanagot ang mga taong responsable sa sinapit ni Jansyn ay nagtungo sila sa PAO, kahit na anila ay “May nag-message sa amin na huwag kaming humingi ng tulong sa PAO ay lumapit pa rin kami sa kanila dahil sa kanila, kami ay may tiwala na kami ay kanilang matutulungan na makakuha ng hustisya.” Muli’t muli, ang tugon ng PAO, ng inyong lingkod, ng PAO Forensic Team at mga kasama sa adbokasiya sa ganitong sigasig ng loob sa pagtamo ng katarungan ay tapat at buong-pusong paglilingkod— sa kabila ng pagbabanta at maling pagbibintang. Na anuman ang mga hamon ng panahon ay lagi nating magkakasamang haharapin.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page